Mainit na usapin sa social media ang viral video ng security guard ng isang sikat na mall kung saan mapapanood ang pagpapaalis nito sa isang batang sampaguita vendor sa Mandaluyong City.
Batay sa kumakalat na videos, mapapanood kung paano tila naging bayolente ang security guard sa pagpapaalis sa batang estudyanteng nakaupo sa hagdanan sa labas ng SM Megamall na may bitbit na sampaguita.
Makikita rin sa naturang video kung paano pilit na hinablot ng security guard ang sampaguitang bitbit ng estudyante. Bunsod nito, sinubukang hampasin ng bata ang security guard gamit ang plastic ng kaniyang sampaguita. Mapapansin din sa video na bahagyang sinipa pa ng sekyu ang bata.
Kaya naman, ang nasabing video na agad kumalat sa Facebook, TikTok at X na umani ng samu’t saring reaksiyon laban sa naturang security guard.
Samantala, naglabas naman ng pahayag nitong Huwebes, Enero 16, 2025, ang pamunuan ng SM Megamall at inihayag na nakikisimpatiya raw sila sa dinanas ng bata mula sa kanilang empleyado.
“We regret and sympathize with the young girl who experienced an unfortunate incident outside our mall,” anang naturang mall.
Dagdag pa nito, sinibak na raw nila ang security guard at hindi na raw ito maaaring maging empleyado pa ng kahit na anong branch ng naturang mall.
“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation. The Security Guard has been dismissed and will no longer be allowed to service any of our malls,” saad ng pamunuan ng mall.
Kaugnay nito, tila maraming netizens naman ang sumuporta sa naging pagtugon ng mall sa nasabing isyu.
Samantala, may ilang netizens din naman ang tila nagbigay ng simpatya mula sa sinibak na security guard at iginiit na ang may kasalanan umano ay ang mahigpit na “protocols” ng naturang establisyemento.