Halos lahat ng mga magulang ay walang hinangad kundi makakuha ng mataas na marka ang kanilang mga anak sa eskwelahan. Para kasi sa nakararami, ito ay malaking tulong upang masiguro ang kanilang pagtatapos ng pag-aaral.
Ngunit ayon sa mga pagsusuri, hindi lang naman batayan gradong mataas upang maging matagumpay ang isang mag-aaral.
Patunay dito ang isang grade 6 student na si Izhar Wayne Alfon. Gumraduate ito na may kabuuang grado na 76 o mas madalas tawagin na pasang-awa.
Ito ang istoryang ibinahagi ng kanyang kapatid na si Paulene Claire Puno. Si Wayne ay isang ampon pero tinanggap niya bilang isang tunay na bunsong kapatid.
Ang ina nito ay namatay sa sakit habang ang ama naman ay iniwan na siya at mayroon ng ibang pamilya.
Ayon kay Paulene, hirap makapagbasa at makapagsulat ang kapatid na si Wayne, hirap din itong bumuo ng pangungusap at nakabisado lang ang alpabeto nang ito'y tumuntong na ng ika-6 na grado.
Isang maliit na bata para sa edad niyang 12 taong gulang at mas kinikilala pa nito ang mga laro o laruang para sa mga edad 4 hanggang 5 taon.
Smart Parenting | Facebook
Madalas ay mas gusto nito na mag isa lang naglalaro at kung minsan ay gumagawa ng malakas na ingay o sigaw. Hindi nila alam ang kundisyon ng bata.
Sinubukan nila itong turuan magbasa at memoryahin ang alpabeto ngunit hindi ito naging madali at nauuwi palagi sa iyakan ang kanilang pagtuturuan.
Bagama't naging malaking dagok sa kanya ang pag-aaral, nalamapasan ni Wayne ang Una hanggang Ika-limang baitang na may kabuuang grado mula 76-78. Sobrang tuwa na nila kapag mayroong 80 sa report card nito.
Tanggap na rin nila na maaring umulit sa grade 6 at hindi muna ito maka-graduate. "Ok lang naman mag-repeat ako ‘pag di ako pumasa." sambit ng bata.
Pero isang araw ay kumakaripas ito ng takbo pauwi habang sigaw ng sigaw. "Mama, ga-graduate daw ako!" malugod na balita ni Wayne sa kumupkop na ina.
Sabik itong umupo sa pagitan ng ina at ng kanyang ate Paulene bitbit ang magandang balita. Inamin din nito sa ate na ito pala ang kanyang birthday wish.
"Ate, totoo pala ang birthday wish kasi ang wish ko sana maka-graduate ako tapos nagkatotoo,"
Malaking tulong din ang walang sawang suporta nilang pamilya sa ampong kapatid. Hindi nila pinagtaasan ng boses at hindi ipinaramdan ang kahinaan kaya naman mag nagpursigi pa ang bata sa pag-aaral.
Mabait na bata rin si Wayne, sa tuwing may pera siya ay ibinibili niya ng kape ang ina at biskwit naman para sa kanyang pamangkin. Sa kanyang gawang alkansya, nagiipon si Wayne ng barya at ibinabahagi ito sa pamilya tuwing kinakapos sila sa pambili ng bigas.
Marami ang naantig sa kwentong ibinahagi ni Paulene kaya marami ang nagpaabot ng tulong gaya ng mga gamit sa eskwela para sa masipag na bata. Unti-unti na rin itong nagpapakita ng progreso sa pagbabasa.
"Diretso naman na siya magbasa sa Tagalog at nag-uumpisa na rin po siyang makabasa ng English, although hindi pa ganun ka-klaro ang speaking niya," ani Paulene.
Hanggat nagpupursigi sa pag-aaral si Wayne ay hindi nila ito susukuan. Mababa man ang kanyang nakukuhang marka, ang mabuting kalooban at determinasyon nitong humarap sa hamon ng buhay ang higit na mahalaga para sa kanilang pamilya.
Source: Smart Parenting | Facebook