Ama ng batang chess champion, nananawagan na sana'y makahanap ng sponsor para sa kanyang anak - The Daily Sentry


Ama ng batang chess champion, nananawagan na sana'y makahanap ng sponsor para sa kanyang anak



Sa isang panayam ay ikinuwento ni Ben Operiano, ang ama ng batang chess champion na si Bince Rafael Operiano kung gaano katindi ang hirap na kanilang napagdaanan makasali lamang sa kompetisyon na ginanap sa Thailand.
Photo credit to the owner

Sa interview ng vlogger na si Papa Caloy kay tatay Ben, sinabi nito na pumunta sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng walang kasiguraduhan kung makakasali ba sila sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship.

Ayon sa ilang mga ulat, tatlong araw umanong natulog sa airport ang mag-ama habang naghihintay ng tulong mula sa gobyerno.

“Bumiyahe kami papuntang Manila ng walang kasiguraduhan kung talagang makakasali po siya at makakasama ako,” aniya.
Photo credit to the owner

Sa ngayon ay walang trabaho si tatay Ben dahil sa tinututukan nito ang career ng kanyang anak.

Photo credit to the owner

Dahil wala silang kakayahang pinansyal, idinadaan na lamang umano ni tatay Ben sa ‘kapal ng mukha’ ang paghingi ng tulong upang sa gayon ay matupad ang pangarap ng kanyang anak.

“Kahit na mahirap tayo, alagan naman na [porket] wala tayong pang-suporta ay susuko na tayo.” ani tatay Ben. 
Photo credit to the owner

“Pakapalan na lang ng mukha, kakapalan na lamang natin ang mukha natin para masuportahan lamang po natin ang ating mga anak na may pangarap sa buhay,” dagdag nito.

Pangarap umano talaga ni Bince na maging isang chess grandmaster at maging isang sundalo.

Nanawagan din si tatay Ben na sana’y makahanap sila ng sponsor para hindi na makaranas pa ng paghihirap ang bata.

“Sana makahanap kami ng sponsor, para sana matulungan siya sa kanyang training,” aniya.


***