Hindi maipaliwanag ng isang Guro mula Masbate National Comprehensive High School ang kanyang halong nararamdaman nang mabasa ang sagot ng kanyang mga masisiyahin at makukulit na mga estudyante sa isang activity na kanyang ipinagawa upang mas makilala pa ng lubusan ang buhay ng bawat isa sa kanyang mga Grade-11 students.
Kwento ng gurong si Mecca Derla, pinagawa niya ang isang activity sa kanyang mga estudyante noong first day orientation nila sa klase para sa araling pang-Komunikasyon sa Filipino.
Hindi sumagi sa isip ng guro ang malalim na pinaghuhugutan at karanasan ng kanyang mga estudyante tungkol sa kanilang "Pinakamalungkot Na Nangyari" sa kanilang mga buhay dahil sa bawat tawa at halakhak sa mukha ng kanyang mga mag-aaral, nakatago pala ang mabibigat at malungkot na kanilang pinagdadaanan mula sa kanilang pamilya.
"Hindi ko inasahan na halos karamihan pala sa mga students na hawak ko ay naghiwalay ang kanilang mga magulang, o karamihan din sa kanila ay iniwan ng kanilang mga papa. Yung iba naman ay naghiwalay ang mga magulang sapagkat magulo na ang kanilang pamilya," saad ng guro sa isang panayam.
Dagdag pa ni Mecca, sa 50 ka mga estudyante niya sa klase, 30 sa mga ito ang halos parehas ang pait na pinagdadaanan bunga ng magulong pagsasama ng pamilya lalo na ng kanilang mga magulang.
"Dahil dun ay nahihirapan sila, ang iba pa nga ay tumigil pa sa pag-aaral. Yung iba ay halos hindi na nakakakain. Meron din yung kanyang Mama ay nag-OFW, dahilan na sila nalang magkakapatid ang magkakasama sa isang tahanan,"
Gayunpaman, kinahahangaan ng guro ang kanyang mga estudyante dahil kahit pa sa mahirap na kanilang pinagdadaanan ay nagawa parin nilang maipagpatuloy ang pag-aaral at ang ngumiti sa klase.
“Kaya ko sya pinost kasi nainspired ako sa kanila. Kasi kahit watak watak yung family nila nagagawa parin nilang ngumiti at humarap sa klase. Pinost ko yun dahil ako mismo unang nakarelate. Para kaming iisa,”
Ayon din sa mga eksperto, mahalaga ang papel ng mga guro, guardians, Doktor at mga kamag-anak ng mga estudyanteng nakaranas ng ganitong sitwasyon sa pamilya, upang sila'y magabayan at maipa-unawa nang maayos na hindi nila ito kasalanan at wala silang kinalaman sa hindi pagkakasundo ng kanilang mga magulang.
Napukaw din ang puso ng karamihan sa mga netizens sa mga mabibigat na pinagdadaanan ng mga estudyante na siyang pinaka-unang apektado at nahihirapan sa gulo ng sitwasyon ng pamilya at hiwalayan ng mga magulang.
***
Source: GMA News
Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!