Hindi na napigilang maging emosyonal ng grade 11 student na si Gurprit Paris Singh matapos nitong tanggapin ang mga tulong na bigay umano ng mga negosyanteng humanga sa kanyang sipag at determinasyon.
Kabilang ang mga negosyanteng sina Mike at Renz sa libo-libong nakapanood ng viral video ni Gurprit na nagtitinda ng taho habang suot-suot ang kanyang unipormeng pang eskwela.
Dahil sa ipinakitang kasipagan at pagtitiyaga ni "Gopi" (palayaw ni Gurprit Paris) ay kaagad na nagbigay ng ayuda ang magkaibigan na sina Mike at Renz.
Ayon sa mga ulat ay hiwalay na raw ang mga magulang nito at kulang o hindi sapat ang natatanggap na sustento mula sa ama kaya naman bago pumasok ay nagha-hanapbuhay muna siya para matustusan ang pag-aaral.
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
Madaling araw pa lang ay inihahanda nila ang kanyang mga gagamitin sa pagtitinda. Mismong nanay raw nito ang nagluluto ng arnibal at sago.
Araw-araw na maglalakad papunta sa paaralan habang bitbit ng 16-anyos na si Gopi ang dalawang mabigat na stainless na baldeng pinaglalagyan ng mainit na taho.
Suki na nga raw nito ang kanyang mga guro at kamag-aral sa Tanza Comprehensive High School sa Cavite.
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
Pero dahil sa bagong E-bike with sidecar na handog sa kanya ng makaibigang negosyante, hindi na nito dadanasin pa ang paglalakad sa kasagsagan ng sikat ng araw.
Idagdag mo pa ang cash donations na magagamit ni Gopi hindi lang sa mga kailangan niya sa pag-aaral pati na rin sa karagdagang puhunan para sa kanyang munting negosyo.
May mga grocery items din para sa mag-ina na sadyang malaking tulong para sa kanilang pangaraw-araw na gastusin at pamumuhay.
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
"Magagamit nya itong bagong E-bike sa pagtitinda nya ng taho. Hindi na siya mahihirapan pang magbuhat. Magagamit din niya ito pagpasok sa eskwela" sabi ni Mike.
"Kahit sa maliit na paraan man lang ay makatulong kami kay Gopi. Isa siyang huwarang anak at estudyante", salaysay naman ni Renz.
Lubos ang pasasalamat ni Gurprit at tinitiyak na lalong tataas pa ang kumpiyansa ng batang ito para makapagtapos at abutin ang pangarap niyang maging isang Civil Engineer balang araw.
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends
Sid Samaniego | Tanza Cavite Trends