Mga Kababayan! Kilalanin at Alalahanin natin ang Nag-iisang Master Rapper, Francis M.! - The Daily Sentry


Mga Kababayan! Kilalanin at Alalahanin natin ang Nag-iisang Master Rapper, Francis M.!



The late Francis M. | Photo credit to One Music Ph

Labing-tatlong taon na mula nang namaalam at namayapa ang aktor-rapper-musician na si Francis Magalona, ngunit marami pa rin ang patuloy na nalulungkot sa kanyang pagpanaw tuwing maalala ang kanyang kontribusyon sa mundo ng musika.

Taong 2009 sa edad na 44, nang natalo ang Master Rapper laban sa sakit na leukemia. Sa kanyang paglisan, naulila niya ang asawang si Pia at walo nilang anak na sina Unna, Nicolo, Maxene, Frank, Saab, Elmo, Arkin, and Clara.

Photo credit to Famoux Fix

Si Francis M. ang kauna-unahang Filipino rapper na tumawid sa mainstream music. Gamit ang Ingles at Filipino, ang kanyang mga kanta ay may mensahe ng pagiging isang tunay na makabayang Pilipino.

Siya rin ang nagpasimula ng pagsasama o collaboration ng rap at rock music, at nag-impluwensya sa napakaraming musikero.


Marami man ang sumunod sa kanyang mga yapak bilang magiting na rapper at musikero, kakaunti lamang ang nakakamit ng parehong tagumpay tulad ng sa kanya. Masasabing hanggang ngayon ay wala pa ring makapantay at maaring pumalit sa kanyang pagkakakilanlan bilang “Father of Philippine Hip-Hop”.

Photo credit to Facebook

Bagama't ang kanyang mga talento sa sining ay talagang walang kapantay, ang pinaka-kapansin-pansin kay Francis M. ay ang kanyang nasyonalistikong damdamin. Siya ang nagsimula ng Makabayan o Nasyonalista Rap, kung saan ang kanyang mga kanta ay sumasalamin sa pagkakakilanlan ng pagiging tunay na Pilipino at tumutugon sa mga problema sa lipunan.

Sa katunayan, ninais niyang baguhin ang pananaw ng ibang kapwa Pilipino na hindi nagagawang ipagmalaki ang sariling bayan.

Sa kanyang awiting 'Mga Kababayan Ko', tinukoy ni Francis M. ang kolonyal na kaisipan ng mga Pilipinong tumatangkilik sa mga dayuhan higit sa sariling bayan. Kanyang ninais na ihatid ang mensahe ng pagmamahal sa bayan at pagiging 'proud' sa sariling kulay.

Photo credit to YouTube

Naging ehemplo rin siya ng pagiging positibo sa buhay, pagkamit ng mithiin at tagumpay at pagmamahal sa kapwa gaya ng ninais niyang iparating sa kanyang mga kantang “Three Stars and a Sun,” at “Kaleidoscope World".


Tinugunan din ng Master rapper ang mga isyung panlipunan na sumasalot sa bansa, tulad ng bawal na gamot na aniya ay sumisira sa mga kabataan. Inalay niya ang awiting “Mga Praning”, sa mga kabatang naliligaw ng landas at nagnais na maiahon sila, mapagbago at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Bukod dito, binatikos din ng rapper ang kawalang-interes ng mga Pilipino sa demokratikong proseso. Sa kanyang kantang "Halalan", kanyang tinalakay ang bulok na sistema sa pulitika noon.

Sa panayam sa kanyang asawang si Pia Magalona, sinabi nito na ninais ni Francis M. na maging isang pulitiko at magsilbi sa mga tao tulad ng ginawa ng kanyang lolo na si dating senador Enrique B. Magalona.

Pero aminado si Pia na pinigilan niya ang yumaong asawa na pasukin ang pulitika, dahil para sa kanya hindi raw akma ang personalidad ni Francis para dito,

“He’s the type who’d say 'Pare' all the time,” ani Pia.

Photo credit to Push ABS-CBN

Dahil sa kanyang pagsisikap, iginawad sa sa kanya ang 'Presidential Medal of Merit' noong 2009 sa kanyang walang sawang pagsulong sa pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng musika. 

"For his musical and artistic brilliance, his deep faith in the Filipino and in his sense of national pride that continues to inspire us.", ani Malacanang noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Photo credit to Wikiwand

Hindi mapagkakaila na isa si Francis M. sa mga 'music icons' ng bansa na kailanman ay hindi malilimutan. Hindi lamang ito sa pagiging isa sa 'top musical performers' kundi sa pagiging makabayan na kanyang ninais itanim sa puso at isipan ng bawat kapwa niya Pilipino.


Pinakita at pinatunayan ng nag-iisang Master Rapper, hindi lamang ang tiwala niya sa sarili at sa kanyang bayan, ngunit higit sa talento at kadakilaan ng sambayanan.


SourceLouie EncaboYahoo