Magkakapatid na anak ng tindera sa palengke, halos 'di makapaniwala nang makita sa kauna-unahang pagkakataon ang pamanang lupa ng ina, 17 yrs makalipas itong pumanaw - The Daily Sentry


Magkakapatid na anak ng tindera sa palengke, halos 'di makapaniwala nang makita sa kauna-unahang pagkakataon ang pamanang lupa ng ina, 17 yrs makalipas itong pumanaw





Ano ang magiging reaksyon mo kapag nalaman mong ang lupang pinamana sayo nang iyong ina ay hindi pala basta-basta? Maniniwala ka ba kapag natuklasan mong ito pala ay limang ektaryang lupain na may ilog at falls pa? Kung sa iyo mangyari ito, hindi ka kaya malaglag mula sa iyong kinauupuan?




Halos ganito ang naramdaman nila Noel Suque at nang kanyang mga kapatid matapos nilang mapagtanto na ang ipinamanang lupa sa kanila nang yumao nilang ina na si Leoning ay may lawak palang limang ektarya at nasasakop nito ang isang ilog na may malapit pa na falls.


Noong nabubuhay pa si Nanay Leoning, madalas niyang ikwento sa kanyang mga anak na may minana siyang lupa mula sa kanyang ina na matatagpuan sa Camarines Sur at gusto niya itong ipamana sa kanyang mga anak.






Labing-isa ang naging anak ni Nanay Leoning at binuhay niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke sa Cainta, Rizal.


Kwento ng isa sa mga anak ni Nanay Leoning na si Noel, lumaki man silang salat sa pera, sagana naman daw sila sa pagmamahal at magandang pag-uugali, dahil ganon sila pinalaki ng kanilang masipag at mabait na Ina.


“Napakabait ng nanay ko, madaling-araw pa lang nasa palengke na siya, nagtitinda na”, saad ni Noel.


“Basta ang nagluluto ng ulam namin ay ang nanay namin. Kahit anong ulam iyan masarap kasi masarap magluto si Nanay”, pagmamalaki ni Consolacion Baula, isa rin sa mga anak ni Nanay Leoning.




“Ang nanay ko talaga napakamatuwid niyan. Ayaw niyang nagnanakaw kami”, pagsasaad nang isa nilang kapatid na si Arturo.


“Kaya kami hindi natutong magsugal”, pagsegunda pa ni Noel.


Noong 2004 ay pumanaw si Nanay Leoning dahil sa mild stroke at kasabay nito ang pagkalimot nila Noel patungkol sa lupang kanilang namana mula sa ina.


Makalipas ang labing-pitong taon ay muli nila itong napag-usapan, matapos pumanaw ang isa nilang tiyahin noong July 2021.


Ang ilan sa mga kamag-anak nina Noel ay sinabihan silang silipin ang lupa ng kanilang ina dahil matagal nang walang tumitingin dito.


“Nabanggit nang isa Tita ko na kung maaari pasyalan namin ang lupa ni Nanay.”





Sakto namang bagsak ang negosyong tindahan ni Noel dahil sa pandemya kung kaya agad niyang naisipang tingnan ang minanang lupa sa pagbabaka-sakaling may oportunidad na mahahanap dito.


July 5, 2021, kasama ni Noel ang isa pa niyang kapatid na si Joey, ay binisita nila ang Brgy. Kutmon, Bato Camarines Sur, kung saan matatagpuan ang lupain ng kanilang Ina.


At hindi na nga nila maitago ang pagkagulat, matapos nilang matuklasan na hindi lamang kapirasong lupa ang ipinamana sa kanila ni Nanay Leoning.


Umaabot kasi ng limang ektarya ang lupa at nasasakop nito ang isang burol at ilog na malapit sa 50-feet tall na Bagacay Falls.


Dagdag pa ni Noel, may potensyal ang lupain para sa negosyo, “Maaaring mag-alaga ng kambing sa mga gilid-gild, maraming puno.”


Naging emosyonal naman si Noel habang pinagmamasdan ang ilog na kulay asul ang tubig, “Parang may yumakap sa akin na malamig. Sabi ko, siguro kasama ko ang nanay ko.”


Napagdesisyon nang magkakapatid na i-develop na lamang ang lupaing minana, imbes na paghati-hatiin nila ito.


“Imbes na paghatian namin iyan, walang sizes. Sandali lang yung pera eh”, ika ni Arturo.


Samantala gumawa naman si Noel ng isang YouTube channel, ang Honda Best Bros at dito inia-upload niya ang mga updates patungkol sa lupang kanilang minana.