Ang kontrabida ngunit mukhang nakakatawa: Ano ang nangyari noon kay Joaquin "Buwaya" Fajardo? - The Daily Sentry


Ang kontrabida ngunit mukhang nakakatawa: Ano ang nangyari noon kay Joaquin "Buwaya" Fajardo?








Isa sa pinamagaling na kontrabida at komedyante noong araw si alyas ‘Buwaya’ na naging bahagi ng napakaraming pelikulang Pilipino.

 
Masasabing napakahusay ni Joaquin ‘Buwaya’ Fajardo sa kanyang mga karakter sa pelikula na kanyang ginampanan sa mga paboritong palabas noon, kung saan siya ay madalas na gumaganap bilang isang kontrabida na talaga namang kakainisan mo.


 
Ang alyas daw na ‘Buwaya’ ay binansag sa aktor dahil sa kakaibang porma ng kanyang mga daliri sa kamay.

 
Si Buwaya ay isa sa madalas na kasama noon sa mga pelikula nina Tito, Vic, and Joey na sikat na sikat noon sa pagpapatawa.

 
Noong nagsisimula pa  daw lamang si Buwaya ay maliliit na role lamang daw ang ginagampanan niya. At ang kauna-unahang pelikula na kanyang kinabilangan ay ang ‘Divina, Diyosa ng Apoy’ noong 1961.

 
Bagama’t maliliit na role lang ang kanyang mga ginagampanan noong una ay hindi tumigil si Buwaya at mas lalo pang nagpursige dahil naniniwala siya na balang araw ay makikilala rin siya sa industriya.




 
Noong 1962 ay nabigyan siya ng maliit na papel para sa isang international movie na pinamagatang ‘Samar, The Gateway to Hell’ kung saan siya ang gumanap bilang isang sundalong Espanyol.*

 
Taong 1966 naman ay napasama uli si Buwaya sa isang malaking international na pelikula na ‘Ambush Bay’. Dito siya napansin ng mga bigating production companies at mga artista sa kanyang henerasyon.

 
Dito na nagsimulang mamayagpag ang pangalan ni Joaquin at naging sunod-sunod din ang offer sa kanya sa mga pelikula.

 
Napasama pa nga daw noon si Buwaya sa sampung pelikula sa loob lang ng isang taon dahil sa kanyang husay, mapa-komedya man o aksyon. 

 
Ilan sa mga malalaking pelikula na kanyang kinabilangan ay ang Facifica Falayfay noong 1969 na pinagbidahan ng Comedy King na si Dolphy, Crocodile Jones ni Vic Sotto, Starzan na pinagbidahan naman ni Joey de Leon, Ang Padrino ni Fernando Poe Jr., Pido Dida ni Renequistas at Kris Aquino, at napakarami pang iba.




 
At sa loob ng tatlong dekada niya sa industriya ay napabilang siya sa 261 na pelikula. 


 
Ang kanyang huling pelikulang nagawa ay ang Ali in Wonderland noong 1992 bilang si Lizardo na pinagbidahan ni Joey de Leon at Ogie Alcasid. Natapos pa niya ang pelikula ngunit hindi na napanood pa muli dahil siya ay sumakabilang buhay ng Disyembre 28, 1991 sa edad na 53 dahil umano sa isang karamdaman.