"Sana ako din na asawa mo," saloobin ni misis sa mister na laging inuuna ang sariling kaligayahan at ibang tao - The Daily Sentry


"Sana ako din na asawa mo," saloobin ni misis sa mister na laging inuuna ang sariling kaligayahan at ibang tao





Kaysarap lang pakinggan ng mga magagandang salita sa panahong sabay kayong nanunumpa sa harap ng simbahan at sa batas kung gaano niyo kamahal ang isat-isa at nangangakong patuloy pang mamahalin at mas papahalagahan pa ang bawat isa bilang mag-asawa sa kahit ano mang oras, panahon at sitwasyon ng inyong pagsasama. 


Kaysarap din sana kung ang lahat ng ito ay napapanindigan at naipapadama parin sa bawat isa hanggang sa makabuo ng pamilya at sa pagtanda. Ngunit, hindi rin lingid sa lahat na may mga pagkakataong may mga magbabago at maiiba dahil sa mga prayoridad.


Pagsasalarawan lamang | Larawan mula sa Kultura


Naglabas ng kanyang saloobin at pagkalungkot ang isang misis sa kung paano tila nakakalimutan na siya ni mister at mas pinapahalagahan pa nito ang ibang mga materyal na bagay at ibang tao kesa sa kanya na asawa. 


Napapansin niyang nagiging mahigpit lang ang kanyang mister sa pagbahagi ng kahit kaunting halaga ng pera nito sa kanya at sa mga simpleng pangangailangan niya.


"Hon, nagpapasalamat ako kasi responsable kang asawa at ama pero sana di mo makalimutan na pasayahin pa rin ako. Kahit wala akong trabaho nag eeffort ako makaipon paunti unti para maregaluhan ka sa mga espesyal na okasyon," 


"Nag iipon ako at hindi humihingi sayo dahil alam kong mahigpit ka sa pera,"


Nais lang ni misis maglabas ng bigat ng kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanyang mensahi at mga saloobin sa CFO Peso Sense, matapos niyang subukang kausapin ang asawa tungkol sa kanyang dinadala ngunit binalewala lang siya nito. 


"Pag para sakin "maraming kailangan unahin" ayoko na din pong ulit ulitin pang humingi dahil bilang isang independent woman ako bago ako nagpakasal sa kanya, hindi ko po ugaling humingi," 


Pagsasalarawan lamang | Larawan mula sa TheAsianParent


"Sa totoo lang bago ako magsabi kay mister ilang buntong hininga muna ang gagawin ko upang magkaroon ng lakas ng loob magsabi kasi nga di ko talaga ugaling humingi,"


"Pero dati nasabi ko na sa kanya na sana kada sahod nya abutan nya ko kahit tag 20 lang at ako na mag iipon para sa sarili ko. Dedmabels ang lolo nyo." 


Narito ang kabuuan ng kanyang mensahe:


HON..

#PayongKapeso


PLEASE HIDE MY IDENTITY. Gusto ko lang makarating ito sa asawa ko since follower sya dito at sa ibang mister na din.


Hon, nagpapasalamat ako kasi responsable kang asawa at ama pero sana di mo makalimutan na pasayahin pa rin ako. Kahit wala akong trabaho nag eeffort ako makaipon paunti unti para maregaluhan ka sa mga espesyal na okasyon. Nag iipon ako at hindi humihingi sayo dahil alam kong mahigpit ka sa pera. Dumidiskarte ako para makapag bigay sayo. Sana ikaw din. 


Nakakaunawa ako hon pag wala tayong pera. Kilala mo naman na siguro ako. Kahit halos mapapanis na ang pagkain pagttyagaan ko yan dahil ayokong may nasasayang. Pero sana pag meron ka, maalala mo naman ako. 


Ilang malalaking pera na ang dumaan sayo, nakabili ka na nga ng bagong labas na motor, nakapagpalit ng mga gulong ng sasakyan at nakabili ng mga pangdesign at pampapogi ng mga yan pero kahit 100 di mo ko inabutan para makabili ng mumurahing lipstick sa bangketa. 


Hindi ako nagrereklamo sa mga gastos na yan dahil ikaw ang nagtatrabaho at deserve mo yan. Pero sana maalala mo na bago mo ako pinakasalan nangako kang aalagaan mo ko at mas magmumukha pang dalaga kesa nung bago tayong magkakilala.  


Ngayon ultimo pang gupit ng buhok di mo ko mabigyan. Sa kapitbahay na nga lang ako nakisuyo para magupitan ako ng libre. Pero naalala mo nung dalaga ako lagi akong naka ayos kasi maalaga talaga ko sa sarili ko. 


Hindi ko sinasabing gusto ko ng luho dahil alam kong kasabay ng pagpapakasal ko sayo ay magiging nanay na ko ng mga anak mo at yun na ang higit kong dapat pag ukulan ng atensyon pero sana wag mo naman akong kalimutan lalo na at meron ka naman. 


Buti pa nga yung pinsan mo, namana nya yung luma mong motor na kung tutuusin maganda pa at pwede pang ibenta sa mataas na presyo. Wala akong reklamo dun dahil alam kong aalagaan din nya yung "motor natin" pero nakakalungkot na kahit 100 na tsinelas di mo ako mabilhan kahit na nakita mo ng hirap na kong maglakad nung minsang naglalakad tayo sa palengke. 


Alam kong mahirap ang buhay at kailangan nating magtipid at mag ipon. Pero sana maalala mo naman na nung mga panahon na wala kang trabaho at wala kang pera, kahit na kaya kitang palitan hindi ko ginawa dahil mahal kita. Ako ang gumagastos sa lahat ng date natin, ako pa nga bumibili ng brief mo kasi butas butas na. 


Ultimo yung sinuot mo nung nag aapply ka palang, di ako nanghinayang na gastusan. Kahit di pa tayo kasal nun at pwede kitang iwan para mangibang bayan hindi ko ginawa kasi naniniwala akong maaabot mo ang pangarap mo. Kasama mo ako at ako ang taga encourage mo nung panahong minamaliit ka nila sana naman maalala mo kong bahaginan ng success mo kahit konti lang.


Di ako naghahangad ng mga skin care, mamahaling bags at sapatos. Ok na ko sa bangketa o shopee at lazada dahil di naman ako mahilig sa branded. Ang sakin lang kung naaalagaan mo yang motor at sasakyan, sana ako ding asawa mo. Salamat.



HON (PART 2)

#PayongKapeso

PAKI HIDE PO IDENTITY KO PLS.. Gusto ko lang pong magpasalamat sa inyong lahat ng nag comment at nag offer sakin ng mga skin care, bags at mani ped pati photo session kung may namissed po akong iba pang nagcomment, pasensya na po di ko na halos maisa-isa ng backread dahil napakarami na pong comments at naglalag na cellphone ko.


Pinost ko po ito para ipaabot ang aking taos pusong pasasalamat sa inyo. Nag pm po ako sa iba sa inyo gamit etong dummy account ko dahil ayoko din naman masira ang asawa ko. Responsable naman po talaga sya at mabuting ama. 


Pero wala naman pong perpekto sa mundo, hindi lang ako ang anak ng Diyos hehe joke lang po. Sadyang manhid ata sya sa pangangailangan ko. Sa mga nagsabing sana kinausap ko, ginawa ko na po kaso dedma. Kung hindi man sasabihin nyang gastos lang at maraming dapat unahin.


Syempre nalulungkot din ako dahil pagdating sa gamit ng motor meron pero pag para sakin "maraming kailangan unahin" ayoko na din pong ulit ulitin pang humingi dahil bilang isang independent woman ako bago ako nagpakasal sa kanya, hindi ko po ugaling humingi. Kahit noong bata pa ko ay di ko nakaugaliang humingi sa magulang ko. 


Sa totoo lang bago ako magsabi kay mister ilang buntong hininga muna ang gagawin ko upang magkaroon ng lakas ng loob magsabi kasi nga di ko talaga ugaling humingi. Pero dati nasabi ko na sa kanya na sana kada sahod nya abutan nya ko kahit tag 20 lang at ako na mag iipon para sa sarili ko. Dedmabels ang lolo nyo. 


Di ko po ito pinost para humingi ng awa at simpatya. Pinost ko po ito para iparating sa lahat ng nag offer ang aking pasasalamat sa inyong lahat. Baka may mag pm po sa inyo na kiniclaim yung mga offer nyo.  


Gusto ko pong sabihing maraming salamat pero hindi ko po matatanggap. Sapat na po sa akin na naalala nyo ako at gustong pasayahin. Mula sa kaibuturan ng aking puso, dalangin ko po na kayo'y pag ingatan at pag yamanin pa ng Diyos. Napakabubuti po ng puso ninyo. Maraming salamat.


PS.

Pero kung iiinsist nyo eto gcash ko 0917------- charot lang haha i love you all.


***

Source: CFO PESO SENSE 1,  2

Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!