Para sa mamahaling pugad mula sa laway ng ibon, mga taga-Palawan inilalagay ang buhay sa alanganin makuha lang ito sa mapanganib na kweba - The Daily Sentry


Para sa mamahaling pugad mula sa laway ng ibon, mga taga-Palawan inilalagay ang buhay sa alanganin makuha lang ito sa mapanganib na kweba




Sadyang nakabibilib ang ilang mga kalalakihan sa isang isla sa Palawan dahil sa kanilang lakas ng loob at dedikasyon sa kanilang kakaibang hanapbuhay. At dulot ng banta nitong kapahamakan, masasabing handa silang ibuwis ang kanilang mga buhay makuha lang ang bagay na ito sa matarik na kweba kapalit ng malaking halaga: ang mga pugad na gawa sa laway ng mga ibon.


Sa isla ng Nabat sa Palawan, inaakyat nila ang matarik at madulas na kweba na umaabot lang naman sa taas na 100 metro para lang ma-ani ang mamahaling pugad ng mga ibon. 



Hindi ordinaryo o basta-basta ang mga pugad na kanilang inaani, sapagkat ang mga pugad na ito ay gawa sa laway ng ibong Balinsasayaw o mas kilala sa tawag na Swiftlet Bird sa ingles, at matatagpuan ang mga ito sa mga kweba ng Southeast Asia. 


Sa Pilipinas, kilala sa tawag na Busyador ang mga taong nag-aani ng mga pugad na ito, kagaya na lamang ni Alvin. 


"Ako si Alvin Villarendo, isa akong busyador ng Nabat Island."


Sa loob ng ilang siglo, ang mga ninuno at pamilya ni Alvin ay itinataya ang kanilang buhay para lamang makakuha ng pugad ng Balinsasayaw. Ang dalawang libra nang pugad na ito ay nagkakahalaga lang naman nang mahigit $2900 o katumbas ng 162,400 pesos. 




Dahil sa mataas na demand nito sa merkado, umusbong ang mga Swiftlet Farms sa Southeast Asia, ngunit ang mga busyador na kagaya ni Alvin ay nananatiling sa mga kweba nag-aani sa kabila ng mga panganib na kaakibat nito. 


"Kaunting pagkakamali mo lang wala na, diresto at laglag ka na talaga", aniya. 


Kasama ang iba niyang mga kamag-anak na kapwa busyador din, sina Alvin ay nagtungo sa Nabat, isang isla sa Taytay, Palawan na kaya lamang marating sa pamamagitan ng bangka.


Para makaakyat sa matatarik at madudulas na talamapas, gumagamit sila ng isang hagdan na gawa sa kawayan na kung tawagin nila ay kalitag. 






"Yung pinakamahirap gawin talaga diyan ay yung pag-akyat, syempre hindi mo po alam kung maganda yung pagkakasabit ng kalitag. Sinasabit tapos hindi mo sure yung pagkakalagay noon doon, kaya minsan sa pag-akyat mo medyo alanganin ka pa baka biglang matangal", saad ni Alvin.


"Kapag nalaglag puro bato yung mababagsakan mo, pag hindi nasa kondisyon yung katawan mo wag nating piliting umakyat kasi, syempre buhay natin yung nakataya diyan", pagpa-paalala pa niya. 


Ang mga beterano namang busyador kagaya ni Alvin ay hindi na gumagamit ng hagdan, tanging ang mga kamay at paa lamang nila ang kanilang ginagamit. 


Minsan na ring nabalian ng balikat si Alvin at kamuntikan pa niya itong ikamatay. 


"Ang dami na ring nadisgrasya sa pag-akyat, bayaw ko na isa nalaglag, patay din", pagke-kwento pa ni Alvin. 






Ang mga busyador ay nag-aani lamang kapag umaga sapagkat ang mga ibon ay umaalis sa kanilang pugad upang maghanap ng pagkain. 


May ilan din namang mga kweba na mababa at madaling abutin ngunit kalaban naman raw nila ang malalakas at naghahampasang mga alon. Ang pasukan nang kweba ay kalimitang maliliit pero ang loob naman nito'y malaki, sa pamamagitan ng flashlight ay madaling nahahanap ni Alvin ang mga pugad. 


"Kapag walong piraso yung pugad ibig sabihin yung ibon ay labing-anim kasi partner lagi yan, isang pugad dalawang ibon agad iyan." 


Pagpapaliwanag pa ni Alvin, mas ninanais ng mga ibong ito na tumira sa kweba dahil, "Walang ibang hayop sa loob ng kweba, wala na rin ibang hayop na makakapasok doon."


Sa mga pagkakataong mahirap maabot ang mga pugad, sina Alvin ay gumagamit ng tinidor, "Itali mo siya sa dulo ng boho (isang kawayan) yun ang gagamitin mong panungkit nang pugad." 



Tanging ang pamilya lamang nina Alvin ang nag-aani ng pugad sa Nabat, Island.


"Pamilya na namin yung nangunguha dito hanggang sa ngayon nandito pa rin kami, siguro may mga susunod naman sa amin kapag tapos na kami at hindi na kayang umakyat, yung mga batang walang planong mag-aral." 


Ang pugad ng Balinsasayaw ay na-aani lamang sa buwan ng Disyembre hanggang Abril, at sa loob ng limang buwan na ito si Alvin ay nakakanap ng mahigit 2500 na pirasong pugad. 


Pagkatapos makapag-ani, nililinis nila ang mga pugad at pinaghihiwalay nila ang mga ito ayon sa kanilang kulay at kung gaano ito katigas. 


Ipinagbebenta nila ang mga pugad sa lokal na pamahalaan, pagkatapos ay pinaghahatiin nang mga busyador ang perang kinita. Matapos nilang hatiin ang kita, si Alvin ay nakakakuha nang nasa mahigit 33,600 pesos sa kataposan ng anihan, hindi man daw kalakihang pera pero sapat na. 


Ang pugad na gawa sa pinatigas na laway ng Balinsasayaw ay ang pangunahing rekado sa putaheng Bird Nest Soup, isang sikat na delicacy sa buong mundo at ang isang mangkok nito ay nagkakahalaga nang mahigit isang daang dolyar. 




"Sa tingin ko, yung kumakain lamang nang soup nang Balinsasayaw ay yung mga mayayaman lang talaga, yung mga katulad natin medyo parang wala na lang", pagbibiro ni Alvin. 


Sa mga nagdaang taon, ang demand para sa mga pugad na ito at sa Bird Nest Soup ay tumaas ng hanggang 5 billion dollars at karamihan sa mga bansa sa Southeast Asia ay nagtayo na nang Swiftlet Farms. 


Hindi naman maiwasang mapansin ng mga busyador na umunti na ang Balinsasayaw sa mga kweba o kagubatan, hindi nila masigurado kung dahil ba ito sa Swiftlet farming o dahil na rin sa pagbabago ng ating kapaligiran.


"Nagbago na talaga, maraming kweba yung wala nang laman ngayon", kumento ni Rodito Villarendo na isa ring busyador. 


Ang swiftlet farming ay malaking banta sa mga busyador na kagaya nila Alvin ngunit, nanatili silang nag-aani nang pugad sa mga kweba dahil mas mataas daw ang kalidad ng mga ito at ang mga lokal na tao ay naniniwalang nagtataglay ito nang mga medicinal properties. 


"Marami ring ibang nagsasabi na nakakatulong nga daw, nakakagamot ng mga karamdanan ito", saad ni Edgar F. Gujilde na isa pa ring busyador. 




Para kay Alvin, ang pag-akyat sa kaparehas na kweba na inakyatan ng kanyang mga ninuno ay isang karangalan at ipanagmamalaki niyang dala-dala pa rin niya ang tradisyong ito. 


"May isang negosyante na talagang gustong kunin yung isla, gagawin daw niyang resort. Pero ipinaglaban ko talaga at hindi niya ito pwedeng kunin kasi yun nga sa amin ito eh, galing pa sa mga ninuno namin."


Ikaw, handa ka bang ibuwis ang iyong buhay at ilagay ito sa bingit ng kamatayan sa ngalan ng iyong hanapbuhay?