“Anak ng magwe-jueteng, nakatapos sa kolehiyo”, iyan ang buong pagmamalaking saad ni Michael Cabanday Cariaga, matapos siyang grumadweyt bilang Magna Cum Laude.
Si Michael na nagmula sa Meycauayan, Bulacan, ay nagtapos nga bilang Magna Cum Laude na may 1.08 GPA sa kursong Bachelor of Secondary Education, Specialized in Filipino Language and Literature sa Arellano, University.
Sa kanyang Facebook post nito lamang Hulyo 08, 2022, buong pagmamalaki niyang ibinahagi kung paano niya naging inspirasyon ang kaniyang Ina na kubrador ng jueteng upang magsumikap siyang makapagtapos ng pag-aaral.
“I am wholeheartedly proud to declare in front of so many people that I am the son of a single mother whose occupation is a Small Town Lottery Agent or in our most common language ‘pagwe-jueteng’. Ikinahihiya ng iba, ngunit ipinagmamalaki ko!”
Aniya, tunay na mapanghamon ang buhay, dahil pagkabata pa lamang niya ay tila pang-MMK na raw ang kanilang pamumuhay.
Nariyan ang pinagtabuyan sila ng kanilang sariling ama, palayasin sa tinitirahan at magpalipat-lipat ng bahay, at ang araw-araw na panghihingi nila ng ulam sa mga karinderya.
Idagdag pa diyan ang minsang mahuli at dalhin sa kulungan ang ina ni Michael dahil sa jueteng, pagtsismisan at hamakin ng iba, at higit daw sa lahat ay ang pananaw ng marami na dahil pagwe-jueteng lamang ang trabaho ng kaniyang Ina ay wala daw makakapagtapos ng kolehiyo sa kanilang tatlong magkakapatid.
“Oo, tama sila nangyari nga ito sa dalawa kong kapatid dahil nagsakripisyo sila, at sa murang edad ay sumabak agad sa trabaho. Ngunit hindi ko ito hinayaan na magpatuloy sa akin, kahit na alam kong mahirap buong lakas loob kong ipinaglaban ang pangarap ko.”
Kaya naman nang lumuwas si Michael sa Maynila dala-dala ang isang rosaryo na simbolo ng kanyang pag-asa mula sa Diyos, ay isinugal niya ang kanyang kapalaran at doon ay nag-apply siya ng scholarship.
“Nakatapos ako ng kolehiyo sa isang mamahaling unibersidad nang kahit piso ay walang binabayaran”, dagdag pa ni Michael.
Pinasalamatan rin niya ang lahat ng taong tumulong sa kanya upang makapagtapos ng kolehiyo at tatanawin daw niya itong isang malaking utang na loob habang buhay.
“Ang pagtatapos kong ito ay hindi lamang dahil sa pagsisikap at pagpupunyagi ko, kundi malaking bahagi nito ang napakaraming tao na ginawang instrument ng Diyos upang maisakatuparan ko ito.”
Sa kanya namang muling Facebook post nitong May 8, Mother’s Day, ay pinasalamatan nya ang sakripisyo ng kanyang Ina. “Your love has been the balm for many problems we have faced. Sa loob nang mahabang panahon kinaya mong mag-isa na itaguyod kami. Ito na Ma, unti-unti nang nagbubunga ang lahat ng sakripisyo mo at nila ate.”
“Espesyal ang Mother’s Day na ito sapagkat malapit ko nang maibigay sa iyo ang pinaka espesyal na regalo ko, ang diploma ko sa kolehiyo. Malapit na Ma, malapit ko nang matupad ang mga pangarap ko sayo. Ma, papunta na tayo sa exciting part.”
Ang graduation nina Michael ay nakatakda pa sa September 30, pero sa ngayon ay nagtatrabaho na sya sa Arellano University - Manila Campus bilang isang Senior High School Teacher.
Siya rin ang tinanghal na 2022 Overall Top 1 at class Valedictorian sa pitong campuses nang Arellano University.
Naka-enroll na rin siya para sa kanyang master's degree sa education at pinaghahandaan na rin nya ang board exam.
Payo naman nya sa mga Education students, “Pagbutihin at pagsikapan na ninyo ang pag-aaral at huwag ninyong baliwalain na parang high school lang ang college.”
“Totoo ang kasabihan na kusang lalapit sa iyo ang trabaho once na may na-establish ka na magandang grades and achievement during your college days”, saad pa ni Michael.