73-anyos na Lola, kahit mahina at pagod na, nag-aararo parin upang mabuhay sila ng mga apo niya! - The Daily Sentry


73-anyos na Lola, kahit mahina at pagod na, nag-aararo parin upang mabuhay sila ng mga apo niya!




Hanggang kailan nga ba sila matatapos sa kanilang pagsasakripisyo upang buhayin at suportahan ang pamilya? 


Isang pambihirang pagmamahal at pilit na nilalakasan ang pangangatawan ang iniaalay ng isang Lola, kahit pa sa kanyang katandaan at mahihina ng mga buto ay kumakayod parin at lahat ng pagod ay tinitiis upang buhayin ang sarili at ang inaalagaang mga apo.   


Sa edad na 73-anyos, walang humpay parin ang pagbabanat ng buto ni Lola Bibiana mula Kabacan, North Cotabato na pasan-pasan parin ang lahat ng paghihirap sa buhay. Nakatira lamang sila ng mga apo niya sa isang pinagtagpi-tagping maliit na barong-barong. 


Ang sana'y nakakapagpahinga na sa kanyang edad, ay subsob parin na nag-aararo sa mga bukirin upang kumita at may pangkakain silang mag-apo sa araw-araw. Katuwang niya ang kanyang matanda narin na kalabaw.



“Nakakapagod rin, mabigat. Kahit 73 na ako, kumakayod pa rin ako. Oo, mahina na ‘yung katawan ko. Pero kailangan ko kasing magtrabaho. Kailangan kong magsikap para mabuhay pa ako dito sa mundo,"


“Three hundred lang ‘yung araw-araw sa pag araro, ‘yung kalabaw 600. Isang linggo na ‘yun pambili ng bigas. ‘Yun lang ang sa akin pag mag-aararo ako pero pag tao lang 300, kulang talaga,” 


Pangarap niya lang bukod sa magkaroon ng kanilang pangkain at simpleng matitirhan ay sana dumating rin ang panahon na makakapagpahinga naman siya mula sa napakahirap at mabigat na pagtattrabaho.


"Sabi nga nila, huminto na ako magtrabaho. Pero kapag huminto ako, ano kakainin namin? Ang pinapangarap ko lang sa buhay, makakain, magkaroon ng maayos na bahay at makapagpahinga.” saad ng matanda sa interview nito sa programang KMJS.




Bukod pa sa pag-aararo niya upang kumita, mano-mano niyang binabagtas ang malawak na palayan habang pasan-pasan ang isang buong mabigat na spray can na ginagamit niya sa pag-iispray sa mga tanim. 


"Masakit na ang aking mga balikat at likod kasi mabigat ang sprayer," pagtitiis ng matanda sa bigat ng pinapasan. 


Tinatrabaho niya ang mahigit 2-ektaryang palayan na pagmamay-ari ng iba upang sa ganon ay mabigyan siya ng parte pagdating ng anihan. 



Ayon pa kay Lola Bibiana, kung wala ng nagpapatrabaho sa mga bukid, hindi siya tumitigil sa paghahanap ng pagkakakitaan. Nangunguha siya ng mga pagkain ng baboy at yun ang kanyang binebenta upang kahit papano may maliit na kita.


“Nangunguha ako ng kangkong, at ipinapakain sa baboy, kasi wala na akong ibang mapagkakakitaan. Nagbebenta ako ng mga pagkain ng baboy. Nagbebenta rin ako ng kahit kaunting kakaning suman,” 


Hindi rin naman daw siya pinapabayaan ng kanyang mga apo sa lahat ng mga gawain, tumutulong din umano ito sa kanilang Lola sa pagsasaka. 


"Matanda na si Lola kaya tinutulungan ko. Nagpapastol ako ng kalabaw. Nag-iispray at nagtatabas sa palayan," saad ni Jay.


Hindi rin mapigilan ni Jay na maiyak sa hirap na dinaranas ng kanyang Lola, kaya pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral upang mairaos niya sa paghihikahos sa buhay si Lola Bibiana. 



"Mag-aaral ako ng mabuti, para mabago ko ang kinabukasan namin. Papatayuan ko siya mg bahay at tindahan para lang sa kanya. Tinitiis namin ang pagtira dito kasi wala naman kaming ibang matitirhan," dagdag ng apo na ang magulang ay kasalukuyang nakakulong sa Davao. 


"Matagal kong pinag-iipunan hangganng sa pagnakakalikom na ako ng P1000 at may pangkain na kami dito, pinapadala ko ito sa anak ko sa Davao," 


"Magdasal ka sa Panginoon na sana makalabas ka na ngayong taon kasi hindi ko na kaya, at para makapagpahinga na ako," 


Lahat ng mga anak ni Lola Bibiana ay may kanya-kanya ng mga pamilya, kaya't solo nalang niyang binubuhay ang sarili at mga apo.




"Nakokosensya rin ako, at kung mayroon ako binibigyan ko siya. Naaawa ako kay Mama baka kung ano mangyari sa kanya habang nag-aararo dahil sa sobrang init, baka himatayin dahil matanda na," saad ng isa sa mga anak na si Jenny Rose Delgado. 


Marami ang nahabag sa mahirap na sitwasyon ng mag-apong Lola Bibiana, sinorpresa siya ng kanyang Barangay at ng Munisipyo ng Kabacan, binigyan siya ng bigas, groceries at mga materyales para sa itatayong bahay nila upang hindi na sila mababasa sa tuwing umuulan.  




"Walang mapaglagyan ng saya at sobrang gaan ng aking nararamdaman ngayon dahil sa mga biyayang bigay ng maykapal," umiiyak na pagpapasalamat ng matanda sa tulong ng natanggap. 


Pinayuhan din siya ng Doktor na hanggat maaari ay hindi na siya bugbog pa sa mabibigat na trabaho dahil na rin sa kanyang edad. 


***

Source: GMA News

Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!