Ano kaya ang nilalaman ng mga nagkalat na papel sa tabi ng isang provincial jail? Ito ang naging palaisipan sa mga kabataan na nakakita ng mga kapirasong papel sa labas ng Malolos Provincial Jail.
Sila man ay nagkasala, datapwat nakakabiyak din ng puso ang mga sulat na ating mababasa.
Noong June 26 ay ibinahagi ng isa nating kababayan sa isang social media post ang nakakalungkot nilang karanasan.
Sa naturang Facebook post, isinaad niya na habang naglalakad sila sa labas ng Malolos Provincial Jail ay may napansin silang mga maliliit na papel na pakalat-kalat sa daan.
Matapos nila itong pulutin at mabigyan ng pansin, napagtanto nilang ang mga sulat palang ito ay galing sa mga preso sa loob. Wari'y nakikisuyong itext ang mga cellphone number na nakasulat at ipabatid ang liham dito.
"Leng dalaw ka naman kaylangan ko ng gamot sa trangkaso wala akong mahingan dito. Hindi nawawala yung sakit ko sumasabay pa ung potassium ko. Dalan mo naman ako ng Bioflu, solmux, sabon, saging, itlog, gulay, bagoong at yung bumbilya na din. Love U Leng. Mahal na mahal kita."
"Pare maawa kana dalawin mo namn ako please, pare baka pwede ka punta ngaun. "
Ang mga nakapulot ng sulat ay nanawagan rin para sa mga kababayan nating ito na kung meron man tayong kakilalang nasa loob nang bilangguan ay huwag natin silang kalimutan.
Hindi lingid sa ating kaalaman na kapos ang pagkaing naibibigay sa loob kaya sadyang mahirap ang sitwasyon roon.
Masakit din para sa kanila ang hindi madalaw ng mga taong higit na mas inaasahan nilang makita at tutulong sa kanila.
Kahanga-hanga ang pagmamalasakit na ipinakita ng nakapulot ng liham na si Rhoann De Guzman na naglaan ng oras at nagawang itext ang mga number at maipabatid ang nilalaman ng mga liham.
Dagdag pa nila, sana mabasa nila yung mga mensaheng gustong iparating sa kanila ng taong nasa loob.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa gitna ng pandemya, may programang tumulong ma-locate ang mga taong nagsulat ng liham.
Sa pagmamagitan ng video call ay nagawang makausap at mapabatid ang kanilang mga kailangan.
Ika nga sa isang bible verse, “Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon”.
Nawa’y lagi nating isaisip na hindi lahat ng nakakulong ay masamang tao at huwag sana natin silang kalimutan.