Manila Film Festival Scandal 1994: Mga Katanungang Hanggang Ngayon ay Wala pang Kasagutan - The Daily Sentry


Manila Film Festival Scandal 1994: Mga Katanungang Hanggang Ngayon ay Wala pang Kasagutan



Photo credit to Pep.Ph

Dalawampu't anim na taon na ang nakalipas mula nang maganap ang pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng pagbibigay-parangal sa Philippine movie industry.

Ito ay ang Manila Film Festival (MFF) 1994 scandal, kung saan sinasabing ang ugat ng eskandalo ay ang pagpeke ng nanalong Best Actor at Best Actress ng gabing iyon.

Ngayon, matapos ng mahabang panahon, marami pa ring katanungang naiwan sa publiko tungkol sa tunay na nangyari. Mabubunyag pa kaya ang mga ito o tuluyan nang mababaon sa limot?

Nagsimula ang lahat ng sa gabi ng parangal ay binasa ng aktres na si Ruffa Gutierrez, na noon ay 20 years old lamang at kakatapos koronahan bilang 1993 Miss World 2nd Princess, ang pangalan ng nanalong Best Actor. Kasama ni Ruffa bilang presenter ang aktres na si Nanette Medved.


Talent coordinator sa awards night ang kolumnista at tv host na si Manay Lolit Solis, na siya ring manager nila Gabby Concepcion at Nanette.

Magkasabay na inanunsiyo nina Ruffa at Nanette ang best actor winner na si Gabby Concepcion para sa pelikulang Loretta. Si Ruffa ang leading lady ni Gabby sa naturang pelikula.

Matapos ay umakyat naman sa entablado ang tatlong presenters ng Best Actress award. Sina Gretchen Barretto, si Miss Mauritius 1994 Viveka Babajee, at Rocky Gutierrez, nakababatang kapatid ni Ruffa.

Photo credit to Pep.Ph

Babanggitin na sana ni Gretchen ang pangalan ng nanalo ng biglang isigaw ni Viveka ang pangalan ni Ruffa bilang best actress winner para din sa Loretta. Doon ay kanya ring sinabihan si Rocky na kunin ang papel na naglalaman ng winner. “Take it! Take it!”, aniya kay Rocky.

Kitang-kita ang reaksyon at matinding pagkagulat sa mukha ni Gretchen Barreto. Halatang shocked ang aktres, sabay baling ng tingin sa mga judges na animoy humihingi ng tulong.

Tinanggap ni Ruffa ang award ngunit halata raw ang panginginig sa boses nito habang sinasambit ang kanyang acceptance speech.

Photo credit to Pep.Ph

Ngunit sa huli ay katotohanan pa rin ang nanaig ng inilabas diumano ng mga tauhan ng accounting firm na nagtabulate ng boto ang tunay na resulta at ipinagbigay alam ito sa noon ay Manila Mayor Alfredo Lim.



Photo credit to Pep.Ph

Sa halip na si Gabby at Ruffa, ang tunay na Best Actor winner ay si Edu Manzano, para sa pelikulang Zacarias, at best actress ay si Aiko Melendez para sa Maalaala Mo Kaya: The Movie.

Kaya naman upang itama ang kamalian ay umakyat sa stage si Mayor Lim at inihayag na nagkaroon ng dayaan at pinroklama sina Edu at Aiko bilang mga totoong nanalo.

Ngunit ng mga sandaling iyon, nakaalis na raw sina Gabby, Ruffa, Nanette, Viveka, at Rocky at nabalita rin na kasabay nila ay naglaho rin ang cue cards kung saan nakalista ang mga nanalo. Doon nga ay nagsimula ng magkagulo sa venue ng awards night.

Tapos na rin ang live TV coverage noon, kaya hindi na napanood ng publiko ang mga sumunod na pangyayari. 

Matapos ay iniutos raw ni Mayor Lim na isauli nina Gabby at Ruffa ang MFF trophies at ang Manila City Council na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring dayaan.

Photo credit to Pep.Ph

Personal naman raw na isinauli ni Ruffa ang best actress trophy at ang best actor trophy na kinuha ni Gabby ay isinauli naman ng kanyang manager na si Lolit Solis.

Sa huli, inamin rin ni Lolit na siya ang “mastermind” ng scandal at sinabing nagawa lang daw niya iyon para sa sobrang pagmamahal sa alagang si Gabby na itinuring na niyang anak.


Kanya ring inako ang lahat ng pagkakamali, humingi ng kapatawaran sa publiko at nag-plead ng guilty sa korte, at nahatulan sa ilalim ng probationary law.

Photo credit to Pep.Ph

Swerteng hindi nakulong si Lolit ngunit isinailalim siya sa court supervision.

Nang sumunod na mga taon, napawalang-sala ang anim pang akusado sa scandal na sina Ruffa, Gabby, Annabelle, Nanette, Viveka, at Rocky.

Samantala, ibinunyag diumano ni Gretchen na sina Lolit at Annabelle talaga ang nasa likod ng dayaan at hindi siya nakisabwat sa mga ito.
 
At ngayon nga matapos ang ilang taon at tuwing sasapit ang June 24, Manila Day bilang araw ng Manila Film festival, ay palaging nanunumbalik ang nangyaring iskandalong iyon, kung paano nga ba ito pinagplanuhan at kung paano ito naisagawa ng mga sangkot ang dayaan ng walang takot sa harap ng sambayanan?

Na mismo ang sinasabing 'master mind' na si Manay Lolit ay nagsasabing hindi niya malilimutan ang kontrobersiya at habang buhay niyang pagsisisihan ang nagawa.

Ngunit nabanggit din ng kolumnista na darating ang araw na sasabihin niya ang lahat ng katotohanan sa nangyaring scam, hindi raw para linisin ang kanyang pangalan, kundi para na rin wala iyong bigat sa kanyang dibdib.

Photo credit to akosilolitsolis | Instagram

Photo credit to akosilolitsolis | Instagram


Ang ibig sabihin kaya nito ay isisiwalat niya na kung sino-sino talaga ang mga kasamahan niya sa pagpaplano ng MFF scam?

 Marami ang nag-antay na dumating ang panahon na iyan, ngunit lumipas na ang maraming taon ay nanatiling walang kasagutan ang maraming tanong na naiwan noong gabing iyon ng parangal.



SourcePep.PhPep.Ph