Kilalanin si Mark Vincent Layug na tubong Pampanga at tunghayan ang kanyang inspiring na kwento.
Nagtapos si Mark ng kursong Bachelor of Science in Mechanical Engineering sa Don Honorio Ventura State University. Aniya, bata pa lang sya ay pangarap na raw nyang maging isang ganap na inhinyero.
Ayon pa sa binata, naimpluwesyahan sya ng kanyang tatay na noon ay mahilig manuod sa mga channel na may informative programs gaya ng Discovery, History, at National Geographic.
“MAHIRAP ANG ENGINEERING”
Sa kabila ng malalim na interes ni Mark sa engineering, aminado itong mahirap ang pag-aaral sa kanyang kursong napili.
“Wala akong masyadong maalala na challenge nung college aside sa mahirap talagang mag-aral ng engineering.” ika ng binata sa isang panayam.
Pagdedetalye nya, ang pinaka-challenging na part umano para sa kanya ay nangyari sa pagre-review nya para sa board exam.
2 LICENSURE EXAMS, 10 DAYS APART
Aniya, ang mahirap na exam ay lalo raw naging mas mahirap pa dulot ng naging schedule noon ng mga ito. Magkadikit o halos magkasunod daw kasi ang petsa ng dalawang pagsusulit.
Kwento ni Mark, ang unang exam na na-take nya noong February 15 to 16 ay Master Plumber Licensure Examination.
“I took two board exams, which are only 10 days apart. Kaya after ko makauwi after sa una kong board exam, nag-rest lang ako ng isang araw, then review na naman para sa upcoming MELE (Mechanical Engineer Licensure Examination).” paliwanag ng lalaki.
TOPNOTCHER
Pagbabahagi ni Mark, mabilis raw lumabas ang resulta ng naging una nyang exam.
“Results for the MPLE came in two days after ng exam. Nasa table lang ako nun, nagre-review at bigla na lang nakita ko na ang dami kong notifications sa phone.
“Doon ko lang nalaman na hindi lang pala ako basta pasado kundi topnotcher pa.”
Top 3 sya sa MPLE at halos hindi umano makapaniwala ang lalaki sa blessing na natanggap nito na nag-uumapaw.
“Sobrang saya ko, lalo na nang makita ko ang family ko, friends, at ang buong school na sobrang proud sa achievement ko.”
NOT ONCE, BUT TWICE
Subalit sa isang napaka pambihirang pagkakataon ay tila naulit ang sorpresa na ikinagulat ni Mark, gaya noong lumabas ang resulta ng Master Plumber Licensure Examination.
Nang ma-release kasi ang result sa pangalawang board exam nya ay pasadong muli ang mapalad na binata at topnotcher na naman.
“Doon talagang maluha-luha na akong makita ang pangalan ko sa topnotcher list. Sobrang bilis nag-explode ang news din sa social media.
“Super happy and proud talaga, lalo na that it is rare na magkaroon ng mga topnotchers sa school or province namin.”
Top 4 ang nasungkit na pwesto ng lalaki sa hanay ng topnotchers ng Mechanical Engineer Licensure Examination.
Sobrang proud naman ang naging review center ng binata kaya nagpahayag din ito ng pagbati kay Mark at nagpasalamat sa kanya dahil naging bahagi sila ng kanyang malaking tagumpay.