Tunay nga namang ang edukasyon ang tanging kayamanan na hindi mananakaw sa atin ninoman. Kaya napakahalagang makapagtapos tayo ng pag-aaral.
Jerico Camparicio / Photo credit: Facebook
Samantala, may mga kabataan na hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral dahil sa hirap ng buhay at kakapusan ng kanilang mga magulang upang ipasok sila sa eskwelahan.
Gaya na lamang ng incoming grade 12 student na si Jerico Camparicio, na naghahanap ng aampon at magpapa-aral sa kanya dahil hindi raw sapat ang kanyang kinikita sa pagtitinda upang makapag-enroll sa darating na pasukan.
Nito lamang Hunyo 2022 nagtapos ng grade 11 si Jerico sa Roxas National Comprehensive High School sa Roxas, Palawan.
Jerico Camparicio / Photo credit: Facebook
Nakatanggap rin ng karangalan bilang isang Academic Excellence Awardee ang estudyante.
Ayon sa report ng Palawan News, noong Sabado, nag-post si Jerico sa isang public group sa Facebook ng isang panawagan: Naghahanap siya ng mga bagong magulang. Hindi raw sapat ang kinikita nito sa pagtitinda, upang makapag-enroll sa parating na pasukan.
"LF (looking for), guys, yung gusto lang po mag-ampon sa akin, yung kaya akong paaralin kasi gusto ko makapagtapos sa pag-aaral ko,” sabi ni Jerico.
Aniya, maaari raw siyang magluto at maglinis ng bahay kapalit ng pagpapaaral sa kanya.
"Alam ko mahirap na walang pinagtapusan, pero sana merong mag-ampon sa akin."
Paliwanag niya, iniwan na siya ng kanyang mga magulang at ang kanyang mga kapatid ay may kanya-kanya nang pamilya.
"Iniwan kasi ako ni Papa, umuwi siya sa Negros at hindi niya ako sinusuportahan. At si Mama naman, nag-asawa ng bago."
Dagdag pa ni Jerico, siya lang daw ang nagsisikap mag-aral sa kanilang anim na magkakapatid. Siya ang ikaapat na anak, at tatlo na sa kanila ang may asawa.
Jerico Camparicio / Photo credit: Facebook
Ayaw pa raw niya mag-asawa dahil pangarap niya ang makatapos ng pag-aaral.
Ayon sa artikulo ng Smart Parenting kay Jerico, sinabi nito na siya ay naghahanap pa rin ng tatanggap sa kanya at susuporta sa kanyang pag-aaral.
"Ang gusto ko po ang mag-ampon sa akin, yung mamahalin ako na parang anak at paaaralin ng maayos. Tatanggapin ko [sila] bilang mama at papa."
Hiling niya, sana ay may magbigay sa kanya ng bisikleta para makatulong sa pagbiyahe niya papuntang eskwelahan.
Ngunit bakit ganun na lamang ang determinasyon ni Jerico na makapagtapos ng pag-aaral?
Aniya, “Ang pangarap ko po ay maging isang [sundalo ng Philippine] Marines."
"Para makatulong sa kapwa ko, at isa na doon ang mga magulang ko. Gusto ko sila iahon sa kahirapan."
Dagdag pa niya, kahit na iniwan at pinabayaan na siya ng kanyang mga magulang at mga kapatid, hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya para sa kanila.
Sa report ng NET 25 , nag-iwan ng mensahe si Jerico para sa kanyang mga magulang.
"Pa, gusto kita makita. 7 years na iniwan niyo ako sa Palawan. 7 years din na nagtitiis ako sa graduation na wala kayo. Kaya nga nagsisikap ako mag-aral para maabot yung pangarap ko, kaso di nila ako sinusuportahan, kaya gusto ko nalang magpaampon sa ibang tao. Sana maintindihan niyo.
"Ma, kung di niyo ako kayang suportahan, kakayanin ko nalang po,” dagdag ng estudyante.
Magsisimula na ang pasukan sa August 22, at maraming kabataan na tulad ni Jerico ang naghahangad na mabigyan ng tulong ng pamahalaan.
"Ang masasabi ko sa mga katulad ko na mga kabataan, wag po nila sasayangin ang pagpapaaral ng mga magulang nila. Sana magsikap tayo kasi ang kabataan ang pag-asa ng bayan."
"Sana naman wag kayong susuko dahil ang mga working students nagtitiis dahil gusto makapagtapos sa pag-aaral, at maabot ang kanilang pangarap. Wag kayong susuko."
***
Source: Smart Parenting