Estudyanteng hindi umabot sa graduation matapos yumao, pinagawan ng life-size standee ng mga kaklase para makasama pa rin - The Daily Sentry


Estudyanteng hindi umabot sa graduation matapos yumao, pinagawan ng life-size standee ng mga kaklase para makasama pa rin





Ang pagtatapos ay isa sa mga pinakamahalagang yugto ng buhay estudyante. Ito ay maituturing na reward sa bawat estudyante at kanilang mga magulang para sa lahat ng sakripisyo at panahon na iginugol upang makarating sa araw na iyon. 


Sa kasamaang palad, hindi na umabot sa napaka espesyal na araw na ito ang isang estudyante sa Camarines Sur dahil sa kanyang sinapit dulot ng sakit sa kidney. 




Naging makabagbag damdamin ang naganap na graduation sa Camarines Sur Polytechnic Colleges kamakailan lang. Ito ay matapos pagawan ng life-size standee si Ma. Isabel Garcia ng kanyang mga kaklase upang makasama pa rin nila ito sa graduation sa kursong Bachelor of Science in Office Administration.


Bitbit ng magkapatid na si Mariela at Marvic Garcia ang standee ng panganay nilang kapatid na si Isabel habang iginagawad sa kanila ang diploma nito. Hindi naman mapigilan ng ilan na maluha sa pangyayaring ito sapagkat kilalang magaling, mabait, masipag at maalalahanin na kaklase at ate si Isabel.








Bago pumanaw si Isabel noong September 2021 dahil sa kidney failure ay pinagsasabay nito ang pag-aaral at pag-aalaga sa inang may breast cancer na pumanaw rin noong December 2021.


Aniya ni Marvic, miss na miss at gusto na niyang yakapin ang kanyang ate, ikinuwento rin nito ang pagiging supportive ni Isabel tuwing siya ay sumasabak sa pageants.




Nangako naman ang magkapatid na tutuparin nila ang mga pangarap ng kanilang yumaong Ate Isabel, gaya ng makapagtapos ng pag-aaral at mabigyan ng sariling jeep ang tsuper nilang ama.


Saad pa ni Mariela, “Ate, Mama, sana happy kayo sa heaven. Sana gabayan ninyo kami, si Papa sa pagmamaneho araw-araw”.




Sumulat pa ng tula ang kapatid ni Isabel na si Mariela at inialay ito sa yumaong dalaga. 


Basahin ang tula para kay Isabel:


Kay layo man ng pagitan natin

'Di pa rin mapapagod tumingin sa mga bituin

Sa mga tala na kung ako'y nakatingala

Bigla nalang ngingiti dahil sa mga iniwan mong ala-ala


Sa'yo pa rin ang lubos kong paghanga

Lahat naman kasi sa'yo ay kamangha-mangha

Nagnanais na ika'y muling makita

Mapagmasdan lang muli ang kislap ng 'yong mga mata


Nangungulila pa rin kami sa pagkawala mo

Ate, pakinggan mo sana ang aming pagsamo

Bawat patak ng aming mga luha

Pag-alala sa mga sakripisyo mong iyong nagawa


Pagbati Ate sa pangako mong natupad

Diploma mo'y hawak na ng aking mga palad

Mga luhang nag-uunahan sa pagbagsak

Dahil nais kong sundan ang iyong mga yapak


Nasa piling kana nang ating mahal na Ama

Mahigpit na yakap para sa'yo at kay Mama

Mga ala-ala n'yo ay mananatiling buhay

Sapagkat kayo ay sa'min nagbigay kulay


Nawa'y sa aking tula ika'y napangiti

Iyon lang ang tangi kong minimithi

Halik mula sa aking labi 

Sa iyo ako Ate lubos na bumabati