Nakakabilib at nakaka-inspire ang 56 years old na si Hon. Ave Zurbito Alba na nagmula sa Milagros, Masbate. Sino ba namang mag-aakala na ang Judge na ito ay dati palang isang Janitress?
Kilalanin si Atty. Alba na hindi lang basta abogada kundi isang ganap na Judge, at tunghayan ang kanyang kwento na puno ng kapupulutang aral at inspirasyon.
DUKHA MULA PAGKABATA
Nagmula si Ave sa isang napakahirap na pamilya na kung tawagin ay isang kahig isang tuka. Pangwalo siya sa sampung magkakapatid at pagsasaka ang hanapbuhay ng kanyang Ama.
"Kulang na kulang ang pagkain namin. Nakakain kami ngayong umaga, yung kakainin namin mamayang tanghali maghahanap-buhay pa yung Tatay ko" ani Ave.
HATOL NG LANGIT?
Tumatak sa isip ni Ave ang paulit-ulit na senaryo kung saan, kapag masama ang panahon ay makikita niya ang kanyang ina na nakaluhod habang nagdarasal sa harap ng dagat sa pangambang hindi na makakabalik ang mga kapatid niyang nangingisda.
Kapos sa pagkain, walang sabon. May toothbrush nga pero asin naman ang toothpaste. Ito ay parte na ng araw-araw na buhay ni Ave noong sya ay bata pa lamang.
Sa mga pangyayaring ito, hindi mapigilan ni Ave na magtanong sa sarili. Bakit sila pinanganak na mahirap? Talagang ito daw ba ang hatol ng langit sa kanila — ang magdusa?
WALANG KATAPUSANG PAGHIHIRAP
"Wala na kaming makain. Tatlo kaming magkakapatid, binigay kami ng nanay ko sa lolo ko para doon kami mag-aral kasi hindi nga kaya nang magulang kong pakainin kami" pagpapatuloy ni Ave.
Dito ay natutunan ng pitong taon gulang na si Ave na maglaba habang ang dalawa naman niyang kapatid ay nag-aararo at nagtatanim ng kamoteng kahoy. Ngunit makalipas ang isang taon ay binawi raw sila ng kanilang ina sapagkat ginagawa raw silang katulong ng kanilang lolo.
NAULILA SA INA, INAMPON NG GURO
Sa hindi inaasahang pangyayari ay pumanaw ang ina ni Ave dahil sa stroke.
"Nang mamatay ang nanay ko, mas lalong matindi yung paghihirap. Yung mga kapatid ko ay hindi naman nakapag-aral ng high school. Ako lang yung nag-aral ng high school". Pagdedetalye ni Ave.
Nang maulila sa ina ay inampon siya ng kanyang guro na si Vilma Suriago. Sinabi nito kay Ave na pwede siyang tumira sa kanilang bahay, libre ang pagkain at matutulugan basta tutulong siya sa gawaing bahay.
"So dahil sa kagustuhan kong mag-aral, doon ako tumira. Gumigising ako ng alas- tres ng umaga, magluluto pa ako, maglalaba ng mga lampin kasi may anak siya, mag-iigib ng tubig. Dapat kaylangan kung tapusin yon kasi, 7:30 in the morning dapat nasa school na ako".
JANITRESS KOLEHIYALA
Makalipas ang dalawang taon, lumipat naman siya sa bahay ng isa pa niyang gurong si Seneca Tacurda hanggang sa matapos niya ang High School kung saan siya ang naging Valedictorian.
Nirekomenda naman siya ng isa pa niyang guro na mag-working student sa isang medical school sa Legazpi City. Natanggap naman siya bilang Janitress kung saan dito na rin siya tumira habang nag-aaral sa kolehiyo.
"Hindi ko kinakahiya kasi, pagdating sa klase ako naman ang nangunguna" dagdag pa ni Ave.
SUMMA CUM LAUDE
Taong 1987 ng nakapagtapos si Ave bilang isang Summa Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Secretarial Administration. Kalaunan ay nagtrabaho siya bilang Court Stenographer, nakapag-asawa at nagka-anak na rin siya ng mga panahong ito.
Malaki ang naging impluwensiya kay Ave ng pagiging empleyado sa korte sa pag-aaral niya ng abogasya. Sa umaga siya ay stenographer at sa gabi naman ay isang estudyante sa law school.
"Napakahirap kasi kapag court stenographer ka na hindi mo alam kung ano ang sinasabi ng abogado. Kaya nagsikap ako na makapagtapos ng pagka-abogasiya" saad ni Ave.
GANAP NANG ABOGADA
Kinaya niyang maipasa ang Bar Exam noong 1999.
Pagbabahagi ni Ave, "Talagang wala akong ginawa kung hindi magdasal. Tapos nang pumasa ako sa Bar, syempre talagang lahat ng paghihirap mo ay bale wala na yun."
LAWYER-TURNED-JUDGE
Taon namang 2006 ng siya'y maging promenenteng Judge sa kurte ng Daraga, Albay.
"Ang pagiging Judge, iba sa pagiging Abogado. If you are the council for accuse, yun lang ang gagawin mo magdepensa sa akusado or sa complainant. Samantalang kapag huwes ka titimbangin mo kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang may kasalanan" ani Ave.
PROUD NA MGA TUMULONG
Komento naman ni Seneca Tacurda, isa sa mga tumulong kay Judge Ave, "Sino bang isang teacher ang hindi ka magiging proud, pag ang estudyante mo naka-akyat ng ganito through her sacrifice, Judge na siya ngayon".
"Actually, she deserved it. I mean it's not only the school but it's the student who has been able too, very patient, industrious, that's Juge Ave" aniya naman ni Dr. Angelita Ago, isa pa rin sa mga taong tumulong kay Ave.
“EVERY STUMBLING BLOCK IS A STEPPING STONE TO SUCCESS”
Sa lahat ng sakripisyo at hirap na pinagdaan ni Judge Ave Alba, maging siya mismo ay hindi pa rin makapaniwala sa mga tagumpay na narating niya sa buhay.
"Kahit anong pagsubok na dumating sa ating buhay, wag nating isa-isip na yun ay sagabal sa ano mang pangarap natin, isipin natin na Every Stumbling Block is A Stepping Stone To Success".