“Mag-iinhiyero ka! Hindi ka magsasaka!” Ito ang litanya ng lolo ni Harold na tumatak sa kanyang isipan noong mga panahong nalilito at hindi nya pa alam ang daan na kanyang tatahakin sa buhay.
Subalit nang dahil sa angking talino at taglay na determinasyon ng binata ay nagawa nitong magtagumpay sa kabila ng hindi pagsunod sa naisin ng sarili nyang lolo.
Sino ba namang mag-aakala na sa halagang isanlibong piso ay sisibol ang isang malaking tagumpay na bibiguin ang mga taong maliit ang tingin sa pagsasaka?
Kilalanin ang 21 taong gulang na si Harold Zapata mula sa San Fernando, Pampanga at tunghayan ang kanyang kahanga-hangang istorya.
Tunay na inspirasyon ang hatid ng kwento ni Harold sa marami, lalo na sa mga kabataang tulad nya na noon ay may agam-agam sa sariling kakayahan at hindi batid kung ano o sino ang dapat nyang sundin pagdating sa isang napakalaking desisyon o hakbang na gagawin patungkol sa karerang ninanais sa buhay.
Lumaki si Harold sa lolo niya na isang magsasaka, dahilan para magkaroon siya ng interes at pagkahilig dito.
Sinimulan ni Harold ang pagtatanim sa pamamagitan ng Hydroponics Farming.
“Nanood ako sa YouTube o sa mga iba pang social media, kuhuma ako ng idea kung paano gumagawa ng hydroponics farming sa maliit na halaga lamang”, ani Harold.
Dagdag pa nya, pinasok nya ang pagtatanim nang pumanaw ang kaniyang lolo, na syang lagi raw nagsasabi sa kanya na dapat siyang mag-inhinyero imbes na maging magsasaka, noong nabubuhay pa ito.
“Parang tumatak sa isip niya na talagang pag farmer is farmer lang. Wala hong mabubuhay na tao kung wala pong farmer kaya kailangan po talaga is maging number one suportahan talaga dito is yung pagpa-farming po” pahayag ni Harold.
Ayon sa kanya, “Pag pinasok mo kasi ang hilig mo, may mga bintanang nagbubukas diyan na panibagong opportunity sayo. Another lesson, hindi lang siya mafo-focus sa farming, marami ka rin matutunan about sa buhay natin”.
Nagbigay rin siya ng payo sa mga kabataang kagaya niya na gustong magsimula ng negosyo.
“Syempre kaylangan is pag-aaralan natin, hindi lang din basta bara ka ng bara. Mas bagalan ho natin ang proseso mas napapabilis ho tayo. Mas minamadali ho natin ang proseso mas napapatagal ho tayo. Wag na wag po tayong makakalimot sa Diyos”. sambit ni Harold.
Ibinahagi rin ng binata ang tungkol sa hydroponics ay isang modern farming o bagong pamamaraan ng pagtatanim kung saan ginagamitan ito ng tubig.
“Meron po siyang water pump, submersible. Ipa-pump niya po yung tubig pataas. Nilagyan ko din po siya ng airpump para po may nagpo-provide ng oxygen sa halaman. Mas mabilis po ang cycle ng crops dahil contaminated, naka-kulong yung ating fertilizer”.
Sa pamamagitan ng paghingi ng 10 pirasong grape box sa kakilala niya sa palengke sinimulang subukan ni Harold ang hydroponics farming. Ibinahagi rin niya na napakamura lamang ng nagastos niya sapagkat ang mga materyales na kinaylangan niya ay styrocups, coco peat, seeds at nutrients. “Kahit hydroponics yan mas tipid siya kumpara sa traditional farming sa tubig”.
Mula sa maliit na greenhouse na naglalaman lamang ng 80 heads na lettuce, ngayon ay mayroon na si Harold na 50 sqaure meter na greenhouse at kayang taniman ng hanggang sa 500 na mga panamin.
“Ang hydroponics kasi is marami tayong pwedeng gawing ibang source ng income dyan gaya ng consultation, construction ng greenhouse, mga seedlings nagbebenta tayo. Kumikita tayo dito ng almost Php 15,000 sa corps lang natin yun eh”.
Sa hydroponics farming ay napapabilis ang pag-aani na inaabot lamang ng 40-45 na araw. Ito rin ang nakikitang solusyon ni Harold sa problemang kinakaharap ng mga magsasaka ngayon, kung saan ang mga lupang sakahan ay ginagawa ng subdibisyon o commercial establishment.
“Ito kasing hydroponics walang pinipiling lugar, makakapagtanim ka nang halaman sa mabilis lang na corp cycle. Magkabit ka lamang ng mga pipes dyan basta nandoon ang water at nutrients, hangin, sunlight, napaka-flexible po nito” ika ng binata.