Ito ang kwento ng isang walang kapagurang online seller na todo kayod maghapon magdamag makatulong lang at makapagbigay ginhawa sa kanilang pamilya. Kilalanin si Jeverlyn Esteves, ang babaeng raketera na nalamang pasado sya sa board exam habang sya ay nagbebenta ng kanyang mga paninda online.
JUST AN ORDINARY DAY
Katulad lang ng ibang ordinaryong araw sa buhay ni Jeverlyn, abalang-abala sya noong araw na iyon sa paghahanapbuhay at nakatutok sa harap ng kanyang cellphone upang isagawa ang pagbebenta online.
Habang hawak-hawak nya ang isa sa mga medyas na binebenta nya at busy sa pagse-sales talk at pagbabasa ng comments para bantayan kung sino ang magma-mine ng nasabing item, may biglang nag-comment ng “congrats, mare!” sa kalagitnaan ng live selling ng dalaga.
Takang-taka, tinanong ni Jeverlyn ang nag-comment nang “san anu?” (para saan?) kung saan mabilis namang tumugon ang kanyang kumare. At nang linawin sa kanya ng nag-comment nyang kumare na ang naturang congratulatory message ay para sa pagkapasa nya sa LET o Licensure Examination for Teachers, mabilis na nag-react ang online seller na tila hindi makapaniwala.
Ani Jeverlyn, “oy, kinukulbahan ako! kinukulbahan ako!” (oy, kinakabahan ako! kinakabahan ako!) habang sinasabi sa kanyang mga kasamahan sa bahay na i-check ang resulta ng board exam.
TEARS OF JOY
Nang kumpirmahin sa kanya na totoo nga ang sinabi ng nag-comment sa kanyang live selling ay dito na bumuhos ang luha ng bagong pasang guro.
Ayon sa kanya, hindi umano sya nag-review nang mag-take ng naturang exam, hindi katulad noong unang beses syang sumubok kung saan todo review raw sya subalit sa kasamaang palad ay nabigong makapasa at makakuha ng lisensya.
Makikitang kasabay ng pagkatuwa ni Jeverlyn ay ang pagpatak ng kanyang mga luha o ‘tears of joy’ dulot ng pagiging emosyonal neto sa tagumpay na nakamit sa pangalawang attempt nito maging lisensyadong guro.
Dahil hindi nya sukat akalain, halatang walang paglagayan ng tuwa ang todo kayod na online seller bunsod ng good news na ito sa gitna ng kanyang pagtitinda. Gayunpaman, tinuloy pa rin ni Jeverlyn ang kanyang pagbebenta nang mahimasmasan ito matapos humagulgol sa tuwa.
Labis man nyang ikinabigla ang pangyayari, punong-puno naman ng pasasalamat ang babae sa Dyos at sa mga nagsabi ng resulta sa kanya na sya ay isa nang LPT o Licensed Professional Teacher.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagtitinda online ng proud raketera at ngayon ay isa nang ganap na guro.
KUNG PARA SA’YO, PARA SA’YO
Aminado ang dalaga na hindi raw sya nag-review kumpara noong unang beses syang mag-exam, kaya naman laking gulat nya ng makapasa sya sa ikalawang pagkakataon. Aniya, nang dahil sa nangyari, naniniwala na sya na kung para sayo ay para sayo talaga dahil ibibigay ito ng Panginoon.
Sadyang mapagbiro ang tadhana. Kung kailan mo hindi inaasahan, bigla na lang dumarating ang mga biyaya gaya nang kay Jeverlyn. At sa dinami-dami nang pagkakataon na pwedeng malaman ang ganito kagandang balita, sino ba naman ang maga-akala na sa isang live selling pa pala ito mangyayari?