Samu't saring mga opinyon ang ibinabato ngayon kay Dennis Padilla at ng kanyang mga anak na sina Julia, Claudia at Leon Baretto sa isyung puno parin ng sigalot at hindi pagkakaintindihan sa kanilang relasyon bilang mag-aama.
Bawat panig ay naging tampulan ng mga panghuhusga at masasakit na salita mula sa mga taong marahil mababaw lang ang kaalaman sa pinagdadaanan ng pamilya.
Naglabas ng kanyang reaksyon ang comedian actor, entertainment reporter at isang ama na si Ogie Diaz sa mainit na pinag-uusapan ngayon ng lahat, ang hindi maayos na ugnayan ni Dennis sa mga anak.
"Hindi ko maimadyin na mangyayari sa amin yan ng mga anak ko. At kung mangyari man, magri-reach out talaga ako. Pero pag ayaw akong papasukin ng mga anak ko, hahayaan ko,"
Bilang isa rin siyang ama sa kanyang limang purong mga babaeng anak ay nagbigay siya ng isang magandang payo para kay Dennis, tulad ng suhestiyon ng karamihan, umiwas muna siya sa paglalahad ng mga hinaing at himutok niya sa magulong mundo ng social media dahil sila at sila lang din ang nagiging biktima at kawawa sa panghuhusga ng mga nakikisawsaw lang sa kanilang pamilya.
"Wag na nga muna siyang magbubuhos ng hinaing sa socmed. Naba-bash ang mga anak niya. Maging siya ay bina-bash din,"
Aniya pa, kung siya man ang nasa sitwasyon ni Dennis, kahit may mga pagkakataong binabalewala siya bilang isang Ama, hindi ang social media ang sagot doon, bagkus ay pilitin niya at sikapinng humingi ng panahon makapag-usap ng pribado.
Paalala rin ni Ogie na responsibilidad ng lahat ng mga Ama ang protektahan ang kanilang mga anak dahil bilang pader nila, titiisin mo lahat ng pagod, galit, tampo dahil ganyan magmahal ang isang ama.
Narito ang kabuuang post ni Ogie Diaz:
Yung totoo? Nalulungkot ako sa nangyayari kay Dennis Padilla at sa kanyang mga anak.
Hindi ko maimadyin na mangyayari sa amin yan ng mga anak ko. At kung mangyari man, magri-reach out talaga ako. Pero pag ayaw akong papasukin ng mga anak ko, hahayaan ko.
Hello! Bata pa lang ako, pinanday na ako ng mga rejections sa buhay. Hindi ko inaasam, pero pag dumarating ang rejections, nalulungkot lang ako sa una, pero ang aga ng acceptance ko. Kaya madali rin akong mag-move on.
Yung kina Dennis at sa mga anak, payo ko kay Dennis, ipahinga muna niya ang socmed. Wag siya doon manawagan. Pilitin pa rin niyang humingi ng dialogue privately.
Pag ayaw ng mga bata o hindi pa handa ang mga ito dahil mabigat ang kasalanang nagawa niya, hayaan muna niya. Maghihilom din naman yan.
Tatay ka, eh. Ikaw na lang mag-adjust sa mga anak mo kung mahal mo talaga sila. Pare-pareho lang naman kayong nangungulila sa love ng isa’t isa, pero kung hindi pa ngayon ang panahon, hintayin mo. Mangyayari rin ang gusto mo.
Kaso nga lang, hindi tayo si Dennis. Hindi ko rin alam ang history ng tampuhan o galit nila. Damdamin yan ni Dennis, damdamin yan ng mga anak niya. Hindi natin damdamin.
Nakikisawsaw lang tayo. Nakiki-Marites. Hindi naman tayo kaanu-ano ni Dennis o ng mga Barretto, pero kung makapag-judge yung iba, parang may ambag sa buhay ng mga sangkot sa kwento.
Pero kung ako si Dennis, wag na nga muna siyang magbubuhos ng hinaing sa socmed. Naba-bash ang mga anak niya. Maging siya ay bina-bash din. Kawawa lahat sila.
At kung ako si Dennis, kahit andun yung feeling niya na ini-ignore siya ng mga anak niya, wag na muna siyang magsumbong sa social media, awat muna.
Tayong mga ama, poprotektahan natin ang ating mga anak kahit nabubuwisit tayo, nagagalit tayo, nagtatampo tayo sa kanila. Kasi nga, tatay tayo, eh. Ganun natin sila kamahal kahit di pa nila yon suklian.
Wag nating kalilimutang tayong mga ama ang pader nila kahit ngawit na ngawit na tayo sa kasasandal nila.
O kung minsan, kasusuntok nila.
***
Source: Ogie Diaz
Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!