Popular na inumin sa panahon natin ngayon ang milk tea. Bukod sa iba’t ibang flavor ay maaari ka rin pumili ng ad ons katulad ng pearl, egg pudding, nata de coco, grass jelly at iba’t iba pa.
Maraming milk tea shops din ang nagbukas sa buong Pilipinas. Makakakita ka ng mahahabang pila ng taong umorder para matikman ang kanilang paboritong milk tea.
Subalit nagbabala ang mga eksperto sa madalas na pag-inom ng milk tea dahil masama umano ito sa kalusugan. Katulad ng mga soft drinks ay mataas din ang sugar content ng inumin na to.
Ayon naman sa mga psychologist, nakikiuso lamang ang iba dahil ito ang sikat na inumin.
Samantala, isang 14-year-old na babae mula sa Zhejiang, China ang nakitaan ng milk tea pearls sa loob ng kanyang tiyan.
Ayon sa RachFeed, agad na isinugod sa ospital ang babae matapos umano siyang makaramdam ng kakaibang sakit sa tiyan.
Sa ospital ay tinanong ang babae kung ano ang kanyang mga kinakain na maaaring maging sanhi sa pananakit ng tiyan. Sinabi nito na milk tea lamang ang kanyang ininom sa loob ng limang araw.
Nang magsagawa ng X-ray ang mga doktor ay nakita nila ang mga hindi natunaw na pearls sa tiyan ng babae. Aabot raw sa isang daan ang pearls sa kanyang digestive tract.
Ayon sa mga doktor, ang mga milk tea pearls ay gawa sa “starchy tapioca” at mahirap itong tunawin ng ating katawan.
Binigyan naman ng laxative ang babae upang bumuti na ang kanyang pakiramdam. Pinayuhan rin siyang limitahan ang pag-inom ng milk tea.
***
Source: RachFeed