Itinuring na isa sa pinakamahirap maipasa na licensure examinations ang Certified Public Accountant Licensure Exam (CPALE) pero ito ang matapang na hinarap at pinaninindigan ng dalawang magkaibigan na kapwa ngayon ay ninanamnam ang matamis na tagumpay bilang mga topnotchers sa kakatapos lang na pagsusulit, ito'y bunga ng kanilang kakaibang determinasyon at pagsisikap sa pag-aaral.
Umani ngayon ng mga paghanga at papuri ang kapwa produkto ng Bicol University- Daraga Campus na sina Emmanuel Zaragoza Jerusalem at Bethany Jayne Ibañez Carizo dahil sa ibinigay nilang karangalan hindi lang sa kanilang Unibersidad kundi maging sa kanilang unang taga-hanga ang kanilang mga magulang at pamilya.
Hindi mapantayan ang kasiyahan at pasasalamat ng mga magulang ni Emmanuel Zaragoza Jerusalem na nag Top 6 sa CPA board at nakakuha ng 87.17% rating sa tagumpay na naabot ng kanilang anak dahil kahit pa sa hirap at payak na kanilang pamumuhay ay naging inspirasyon niya ito upang pagsikapan pa ang pag-aaral.
Si Emmanuel ay panglima sa pitong magkakapatid at saksi ang dating mga guro nito kung gaano ito kagaling at kasinop sa pag-aaral kaya consistent honor student ito mula elementarya at highschool hanggang nagtapos na cum laude sa Bicol University.
Payo naman ni Emmanuel sa mga estudyante na nakakaranas at nakakaramdam ng pagdududa sa kanilang sariling kakayanan.
“Don't ever give up on yourself. Darating kasi talaga sa point na magda-doubt ka na kung enough na ba ang napag-aralan mo, or kung kaya pa ba ipagpatuloy. If that ever happens, just pray to God and surrender all your worries to Him.”
Iginapang niya ang pag-aaral niya sa kolehiyo sa pamamagitan ng mga scholarships at sa tulong ng mga kamag-anak. At upang matustusan ang kaniyang pagrereview, nagtrabaho siya bilang text-based tutor.
Ang kaibigan naman nitong si Bethany Jayne Carizo, 24-taong gulang mula Legazpi, Albay ay Top 7 na nakakuha ng 86.83% rating sa parehong eksaminasyon. Isang consistent honor din mula elementary hanggang nagtapos na Magna Cum Laude sa parehong Unibersidad.
Itinataguyod mag-isa ng kanyang Ama na isang construction worker ang kanyang pag-aaral at kahit solong anak mulat siya sa kahirapan kaya't agad siyang naghanap ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo.
Nagbigay rin siya ng magandang mensahe para sa mga parehas nila na noo'y nangangarap lang.
“The journey is hard but always, always do your best! Trust in the Lord. He hears our prayers. I specifically asked po for Top 7 kasi God's number. And He gave it to me. Nothing is impossible with God,” payo ni Bethany sa mga estudyanteng nais marating ang kanilang pangarap.
Inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang listahan ng mga pasado para sa May 2022 Certified Public Accountant Licensure Exam (CPALE). Nanguna sa topnotcher list ang University of Sto. Tomas Almuna na si Jhoone Cyrelle Nacario na nakakuha ng 88.83% na rating.
Ayon sa PRC nasa 990 o 22.29% mula sa 4,442 examinees ang bilang ng mga pumasa sa CPA board.
***
Source: ABS-CBN
Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!