Tunay ngang malayo ang mararating ng ibayong pagsisikap at pagpupursige sa pag-abot ng mga pangarap sa buhay lalo na kung ito'y may pananampalataya sa Panginoon at sasabayan ng pag-iipon, hindi malayong abot kamay ang tagumpay. Kahit hindi man ito agarang matatamasa o kahit hindi man kalakihan agad ang balik na biyaya ang mahalaga hindi sumusuko bagkus ay pag-iigihan pa.
Ito ang naging sekreto ni Tricxie Camu Rangasa at ng kanyang asawa mula Tiwi, Albay na ngayo'y paunti-unti ng naaabot ang noo'y tanging tila malayong pangarap lang ang pag-aakalang di nila kayang makapagpundar dahil sa pabarya-baryang kita mula sa pagtitinda ng mga street foods.
Doble kayod silang mag-asawa na kapwa hands-on sa pagtitinda at sa tuwing may kaunting kita, ipinandagdag nila ito ng iba pang pwedeng maitinda, hanggang naisipan nilang puro street foods para sa maghapon na kita at nagbukas sila ng bagong pagkakakitaan, ang fried chicken na sa gabi naman nila benibenta.
Dahil sa hirap ng buhay, hindi sapat para kina Tricxie ang basta sipag at kumakayod lang, kaya nag-umpisa silang mag-ipon ng kahit paunti-unti para may mapagkukuhanan sila sa tuwing may mga pangangailangan sa kanilang maliit na negosyo.
"Dahil po sa hirap ng buhay, yun ang naisipan ko para mag-ipon kami gawa ng nagtitinda lang po kami ng kwek-kwek,"
"Minsan pa nga yung naiipon namin nakukuhanan ko parin pag may mga kaailangan na bilhin para sa tindahan. Pero hindi po kami sumuko para itigil yung pagnenegosyo namin,"
Nagsimula silang mag-ipon taong 2018, at matapos lamang ang anim na buwan na pagtatabi mula sa kita ng kanilang mga paninda, nakakuha na sila ng kanilang pangarap na sasakyan at may isang buwan nalang na bayarin ay fully paid na nila ito.
"Di ko akalain na magkakaroon kami ng ganyang klaseng sasakyan, akala namin yung medyo maliliit lang po. Sabi ko Lord, sana magkaron kami ng medyo malaki-laking sasakyan para okay yung pagbibusiness namin,"
Hindi sukat akalain ng mag-asawa na darating ang panahon na magkakaroon sila ng sariling sasakyan dahil sa pagtitinda lamang ng mga street foods.
"Nung nakabili kami ng kotse, sobrang saya po namin mag-asawa kasi hindi po namin akalain na makakabili kami gawa ng nagtitindia nga lang po kami ng kwek-kwek,"
"Naiiyak na lang po talaga ako minsan sa hirap ng buhay, pero nagpapalakasan lang po kami ng loob ng aking asawa. Pag medyo mahina po ako, siya naman po yung nagpapalakas sa akin,"
Dahil sa sipag, tiyaga at malakas na pananampalataya ng mag-asawa sa Diyos, nadagdagan pa ng isang Burger Stall ang kanilang negosyo. Kaya naman nakapagpundar ulit sila ng isa pang property, nakabili sila ng 200sqm na lupa at planong tatayuan balang araw ng kanilang dream house.
"Sa awa ng Diyos, yun talaga ang pinagtataka ko yung pagdating po ng katapusan ng buwan nandiyan na po yung pandagdag namin sa panghulog sa sasakyan. Talagang malaki po ang pasasalamat namin sa Panginoon,"
Kahit sa dahan-dahan na pag-angat ng pamumuhay nila Tricxie, hinding-hindi niya nakakalimutang lingunin ang pamilya at kahit may sariling pamilya na, siya parin ang kusang tumutulong sa mga kapatid at mga magulang.
Dati ng tumatayo bilang breadwinner ng pamilya si Tricxie, namamasukan siya noon bilang isang domestic helper ng halos sampung taon sa Dubai, HongKong at Singapore at taong 2011 naisipang umuwi ng bansa upang mag-negosyo.
"Sa pamilya po namin ako yung breadwinner po, kahit po ngayong may asawa na ako tumutulong parin ako sa kanila,"
Nagbigay rin si Tricxie ng payo para sa mga katulad nila ng asawa niya na nakaranas ng paghihirap sa buhay na huwag sumuko, patuloy lang sa pagpupursige at darating din ang panahon na makakaahon rin.
"Huwag po silang susuko sa buhay, opo mahirap po talaga sa umpisa. Medyo lumaki-laki nadin yung puhunan namin dahil po sa tulong ng mga customer namin," ani Tricxie.
"Iba-iba man tayo ng finacial status, magkakaron din tayo ng pagkakataon na makapag ipon upang matupad natin yung ating mga pangarap. Higit sa lahat ang pananampalataya po natin sa Panginoon,"
***
Source: Good News
Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!