5-taong gulang na bata sa Isabela, sinagip mula sa sunog ang lola nyang hindi makalakad, pinarangalan - The Daily Sentry


5-taong gulang na bata sa Isabela, sinagip mula sa sunog ang lola nyang hindi makalakad, pinarangalan




Marami nang kwento nang kabayanihan ng pinoy ang pumukaw sa ating atensyon at labis na umantig ng ating damdamin - mga kaganapan na gumawa ng ingay hindi lang dito sa ating bansa, kundi maging sa buong mundo. 


Sinasabing ang pagiging bayani ay walang pinipiling kasarian, estado sa buhay o edad. At marami na ang nagpatunay nito sa hindi mabilang na mga pagkakataon. 


Katulad na lang ng isang batang ito sa probinsya ng Isabela na nagpamalas ng kagitingan matapos itong naglakas loob at matapang na iniligtas ang kanyang lola mula sa tiyak na kapahamakan.  



Tunghayan ang isa na namang storya na tiyak ay tatatak sa puso at kapupulutan ng aral ng lahat. 


Kilalanin si Edmund Jon Nipay, ang hero kid mula sa Jones, Isabela. 




Tatlong-taong gulang pa lamang si Edmund nang mangyari ang trahedya sa kanilang tahanan pero ang pagkilala sa kanyang kagitingan ay nangyari dalawang taon makalipas ito, kung kailan 5-taong gulang na sya. Gayunpaman ay sariwa pa rin ang pinakitang kabayanihan ng bata sa napakamurang edad pa lamang.


Ayon sa ulat, maagang umalis para pumunta sa Jones Public Market ang mga magulang ng bata na si Edgardo at Rose Nipay. Dahil dito, ang maglola lang ang tanging naiwan roon. 



Makaraan ang ilang saglit ay nawalan umano ng kuryente sa kanila ngunit ilang sandali lamang ay bumalik rin naman agad ito. Bagay na hindi naman ikinabahala ng kanyang lola. 


Subalit ang biglang daloy umano ng kuryente ay nagdulot ng hindi inaasahang malaking sunog sa kanilang mga kapitbahay. Sa kasamaang palad, pati ang bahay nila ay hindi nakaligtas at natupok rin ng apoy. 


Mabuti na lang ay gising ang bata nang maganap ang insidente. Dali-daling hinanap ng bata ang kanyang lola kahit takot na takot sya dahil sa sinapit ng kanilang tahanan. 


Kaya naman nang makita nya ang kanyang lola ay itinulak ito ni Edmund palabas ng kanilang bahay habang nasa wheelchair. Sa puntong iyon ay dumating na rin ang kanilang mga kapitbahay sa kagustuhang tumulong. 


Ngunit hindi doon nagwawakas ang kwento. Sapagkat pagkatapos sagipin ng bata ang kanyang lola ay nagawa pa nitong bumalik sa loob ng kanilang tahanan para kunin ang antipara at cellphone ng matanda upang makahingi pa ng saklolo.  Ito ay sa kabila ng kapahamakang dala ng dambuhalang apoy. 

Saad ng bata, gagawin nya pa rin daw ang naturang kabayanihan kung saka-sakaling maulit ang nakakatakot na pangyayari. 

Abut-abot naman ang pasasalamat ng matanda sa pagligtas sa kanya ng kanyang napakabait na apo.



Bagaman may pag-aalala, sobrang proud naman ang kanyang mga magulang sa ipinakitang tapang at pagmamahal ng bata sa kanyang lola. Mensahe nila sa anak, nawa ay maging ganoon pa rin daw kabuti ang loob ng batang bayani paglaki nito upang makatulong sa kapwa.




Isa lamang si Edmund sa mga kinilala at pinarangalan sa 17th Annual Kalasag: Search for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assisance na hatid naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council.


Pinangasiwaan ito ng kanilang chairman na si Voltaire Gazmin na sya pang nag-abot mismo ng parangal sa munting anghel sa ilalim ng individual category for Heroic Act.



Limang-taong gulang na ang bata nang maigawad sa kanya ang nararapat ng karangalan ngunit tatlong-taong gulang lang sya nang mangyari ang sunog noong 2014.  


Salute, Edmund Jon Nipay! Mabuhay ka!