Isang engineer, proud na ibinahagi kung papaano siya nakapagtapos dahil sa 4Ps - The Daily Sentry


Isang engineer, proud na ibinahagi kung papaano siya nakapagtapos dahil sa 4Ps



Photo by Marvin Arnoza

Naging usap-usapan kamakailan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil sa ilang mga miyembro nito na kung saan saan winawaldas ang benepisyo na nakukuha nila mula sa programang ito ng gobyerno. 

Sa kabila ng usaping ito, pinatuyan ng isang lalaking 4Ps iskolar na hindi lahat ng benepisyaryo o miyembro nito ay nilulustay lang sa walang kabuluhang bagay at hindi ginagamit sa tama ang kanilang benipisyo.


Siya si Marvin Arnoza, na isang ng ganap na inhinyero ngayon. Sa kanyang post, proud niyang ibinahagi kung paano siya natulungan ng 4Ps at kung papaano siya naging matagumpay ngayon.

NARITO ANG BUONG KWENTO: 

Kabilang po ang aming pamilya sa 4Ps na programa ng gobyerno. Gusto ko lang pong ibahagi ang experience ko as iskolar ng 4Ps, iskolar ninyo, opo, dahil alam ko naman po na buwis ninyo ang isa sa mga nagpa-aral sa amin. 



Pagsasaka at pagkokopra po ang ikinabubuhay ng aming pamilya, isang kahig isang tuka. Madalas hirap kami na makakain tatlong (3) beses sa maghapon lalo na kapag may kalamidad o kaya naman ay matumal ang ani. Walo po kaming magkakapatid at ika-lima po ako. Ako po ang unang nakatuntong sa kolehiyo dahil na rin sa opurtunidad na dala ng programang ito kaya di ko pinalampas, kahit medyo may kalayuan ang Unibersidad mula sa amin. Nagsakripisyo din po ako sa loob ng limang taon.


Screen-Shot-2021-03-15-at-1-09-54-PM 
First year College pa lang po ako nang sumakabilang buhay ang aming tatay. Hindi po naging madali ang buhay estudyante ko bilang isang iskolar, nagdalawang isip kung tutuloy pa ba o hindi na, pero inisip ko po noon na mas mahirap bumalik sa pamumuhay na mayroon kami. Every semestral at Christmas break, isa lamang po ito sa mga panahong nagkakaroon ako ng pagkakataon na makauwi sa aming bahay, na sana nagbabakasyon nalang pero madalas po nakiki-ani kami ng palay, nagkokopra, para atleast pagbalik ko ng Unibersidad may dagdag pagkain at pang-gastos bukod sa ayuda ng gobyerno. Naalala ko pa noong summer vacation bago ako tumuntong ng ikalimang taon ko sa kolehiyo, nagtrabaho po ako as construction worker, opo naging isang laborer din po ako dahil tuwing bakasyon wala naman po kaming allowance kaya kailangan namin kumayod para may pangdagdag pangkain ang pamilya. 

Screen-Shot-2021-03-15-at-1-12-08-PM 






















Sa loob po ng limang taon di ko na nabilang kung ilang beses akong lumuha dahil sa hirap na minsan nawawalan din ng pag-asa, pero nanguna po sa mga naging inspirasyon ko yung pamilya ko na sana dadating yung araw na hindi na namin kailangang maging uhaw sa ayuda ng gobyerno, na sana dadating yung araw na hindi na kami makakarinig ng sumbat mula sa kapwa namin dahil masakit po, Masakit na kahit anong kayod mo kulang at kulang pa rin tapos ang tingin sayo tamad dahil walang nararating sa buhay. 

Screen-Shot-2021-03-15-at-1-16-42-PM 

Naalala ko po yung sinabi ng kaibigan ko na tumatak sa akin, " WE'RE LIVING IN THE SAME GENERATION BUT NOT WITH THE SAME EXPERIENCE".

Sa awa po ng Diyos, nakapagtapos po ako sa loob ng limang taon dahil na rin sa napakaraming taong tumulong. Ngayon isa na po akong Inhinyero at ito po ang Gusto kong ipagpasalamat sa inyo.

MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA INYONG LAHAT



dahil kayo po yung naging daan kung bakit ang isang katulad ko po na simpleng bata mula sa pamilya ng mga magsasaka, ay nagkaroon ng pagkakataong matupad ang pangarap na makapagtapos at makatulong sa Pamilya.


P.s. Wala po akong sama ng loob, dahil lahat naman po tayo may kanya-kanyang opinyon, ang sa akin lang po gusto kong iparating na kahit paano may magandang naidudulot po ang buwis ninyo. Salamat po.

ENGR. MARVIN A. ARNOZA
Proud 4Ps Scholar

Source: 1