Isinakripisyo ang trabaho at pagagala para sa pag rereview, Topnotcher ngayon sa Licensure Exam - The Daily Sentry


Isinakripisyo ang trabaho at pagagala para sa pag rereview, Topnotcher ngayon sa Licensure Exam




Ito na marahil ang pinaka asam-asam na tagumpay at bunga ng hindi mapantayang pagsisikap sa pag-aaral ang makapasa sa licensure exam. Tiyak na pawi lahat ang ilang gabing pagpupuyat na iginugugol sa pag rereview maipasa lang ang piniling propesyon.


May ibat-ibang mga pamamaraan na sinusunod ang bawat examinees sa kanilang pag-rereview, maging ang pagawa ng mga nakagawian sa mismong araw ng exam. 


Ibinahagi ni Mark Teofil Mission isa sa mga mapalad na pumasa sa Licensure Examination for Teachers ang iilan sa mga naging best practices niya na siyang nagbigay daan upang mapabilang siya sa mga Topnotchers ngayong taon.



Aminadong hindi siya kailanman napapasama sa mga top performing students noong mga panahong nag-aaral pa siya mula elementarya hanggang magtapos ng kolehiyo.


“Hindi ko inaasahan na ako'y magiging isang Board exam Topnotcher dahil para sa akin, ang makapasa sa LET ay isa nang matinding pagpapala,”

At bago pa man tuluyang nasungkit ni Mark ang matamis na tagumpay, maraming mga bagay maging ang kanyang trabaho ang kanyang isinakripisyo para ituon ang oras at atensyon upang mapaghandaan ang exam.


“Iniwan ko muna ang trabaho ko. Bagamat mahirap pero kailangang gawin. Umiwas din muna ako sa mga sobrang gala at mga pagliliwaliw,” 


Higit sa lahat alam niyang hindi niya mapagtagumpayan ang lahat ng nag-iisa kung hindi dahil sa gabay at biyaya ng Panginoon sa kanya.


“PRAY INTENSELY. Madalas na napapagod ako at sobrang nahihirapan sa aking review. Paniwalaan mo ako, Hindi ko ito magagawa kung hindi dahil sa Biyaya ng Lord.” saad ni Mark.






Narito ang kabuuan ng kanyang post:


PAANO AKO NAGING LET TOPNOTCHER? 


Hindi ko inaasahan na ako'y magiging isang Board exam Topnotcher dahil para sa akin, ang makapasa sa LET ay isa nang matinding pagpapala. Ibabahagi ko sa iyo ngayon ang ilan sa aking study habits na naging dahilan, marahil, kaya ito'y naging posible.




1. FOCUS. Hindi ako kasama sa Top 10 noong elementary at highschool, hindi rin naman ako Cum Laude. Isa lang akong simpleng mag-aaral. Kaya naman, gumawa talaga ako ng paraan kung paano ako higit pang makapagfofocus sa aking review. 


Una, iniwan ko muna ang trabaho ko. Bagamat mahirap pero kailangang gawin. Mahirap kasing mag-aral nang may ibang nakikihati sa oras ko. Umiwas din muna ako sa mga sobrang gala at mga pagliliwaliw. Saka na 'yun! Sa ngayon, focus na lang muna sa review. Maikling panahon lang 'yun, makagagala rin naman pagkatapos. 


2. INVEST. Wag kang manghihinayang sa perang gagastusin mo sa pagrereview dahil hindi 'yun masasayang. Para sa'yo rin 'yun!

Bumili ako ng mga books na available sa shopee. Sasagutin at aaralin kong lahat at pagkatapos, bibili ulit ako ng bago. Humihingi ako ng pera sa pamilya ko. okay lang 'yun, wala pa tayong trabaho. 


Sumali ako sa GROW  (Gurong Pinoy Review Online Workgroup) para lang may mas marami akong review materials. May mga discussion din doon sa youtube channel nila na sapat na kung talagang nagtitipid ka.




Sa halip na kung ano-ano ang bilhin ko, inilaan ko na lang para sa pagbili ng books at iba pang review materials. Napakinabangan ko naman lahat. 


3. IDENTIFY YOUR LEARNING STYLE. Kung mas natututo ka sa live discussion, Attend ka roon. Kung gusto mo ay mag-isa ka lang na nagbabasa, mabuti rin 'yun. Basta kung saan ka mas mag-eenjoy at mas matututo. 


Sa akin naman, mas natuto ako sa pagbabasa at panonood ng videos sa Youtube. Pwede kasing ulit-ulitin kaya mas tumatatak at mas nauunawaan. Epektibo rin sa akin ang pagsusulat at pagpapaskil sa pader. Mas madaling nakikita at madaling balik-balikan.


4. PRACTICE, PRACTICE, PRACTICE. Mahalaga kasi na may mastery ka sa mga concepts at theories. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng drills/practice.



May goal ako na 120 items everyday. 60 items for prof. ed and another 60 for Gen. Ed. Katumbas iyon ng halos 3 video discussion ng Gurong Pinoy sa youtube.  'Yun na ang maximum. Pero minsan, sa sobrang pagod, hindi ko na rin kinakaya. Pero, pinilit ko pa rin na everyday ay nakakapagdrills ako kahit papaano. Gusto ko kasing masanay at makita ang improvement ko sa bawat araw. 


Meron ako ritong Yellow paper na puno ng Drills. Nakatutuwang tingnan kasi nakita ko kung paano ako nagsimula at kung paano ako nag-iimprove sa bawat araw. 


5. DON'T STRESS YOURSELF TOO MUCH. Nauunawaan ko na nakakastress talaga ang pagrereview dahil naroroon ang pagod, pag-aalala, at kaba. Naranasan ko rin 'yan.


Para maiwasan 'to, naglalakad ako sa likod bahay, tumitingin ako sa malayo, inirerelax ang mata at isip. Kailangan ko kasi 'yun, kailangan ko ng pahinga, sariwang hangin at sinag ng araw. Wala akong ibang iniisip kundi ang mga bagay na makapagpapalakas sa akin para magpatuloy.



Basta kapag napapagod ka na, magpahinga ka muna. Lumayo ka muna sa mga reviewers mo, kumain ka, makipagkwentuhan ka, at maglakad-lakad ka na rin. 


6. PRAY INTENSELY. Madalas na napapagod ako at sobrang nahihirapan sa aking review, bukod dito, marami pang ibang sanhi. 

Pero masaya lang dahil through prayer, nailalabas ko ang lahat ng pagod, hirap at sama ng loob. Madalas na umiiyak talaga ako sa Kanya tuwing gabi dahil gustong-gusto kong makapasa sa LET. 7


 Madalas nga, pinapilit ko na S'ya. Paniwalaan mo ako, Hindi ko ito magagawa kung hindi dahil sa Biyaya ng Lord. 


7. DO NOT JUST PRAY. Prayer without action is just noise. Kung mananalangin ka, magreview ka rin. Mas mainam kung mas maaga para marami kang mareview. Tandaan, napakarami mong dapat na aralin kaya magsimula ka na ngayon.


(Marami pa e. Pero aawatin ko na muna rito.)

Kung nakarating ka sa bahaging ito, pagbati! Makakapasa ka sa Iyong Board Exam, magiging mataas ang rating mo at magiging Topnotcher ka sa panahong nakalaan para sa'yo! Sana nakatulong ang naging karanasan ko. 



Tandaan mong hindi madali ang simula ngunit ang dulo'y kamangha-mangha. Mangyari nawa ang lahat ng pinakamabuti para sa'yo future LPT! 


Ingat ka!

MARK TEOFIL C. MISSION, LPT

PAMANTASAN NG LUNGSOD NG SAN PABLO 

LET  (TOP7)


***

Source: Mark Teofil Mission

Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!