Simula ng nagkaroon ng pandemya ay hindi na nakabalik sa
showbiz ang beteranong komedyante at host na si Jimmy Santos na maituturing na
isang haligi na sa industriya.
Sa kasalukuyan ang 69 anyos na aktor ay naka focus na lang
sa vlogging kung saan ay tampok sa kanyang mga videos ang buhay probinsya at
iba pang mga lugar sa Pampanga.
Maraming netizens naman ang natutuwa sa mga good vibes na
content ni Jimmy sa kanyang vlog at ito ay nagdadala rin ng inspirasyon sa
marami.
Noong una ay sinubukan ng beteranong komedyante ang
pagtitinda ng karne sa palengke, sumunod ay ang pag-uuling. Kahit matanda na
ang aktor, talaga naman malakas pa rin ang pangangatawan nito at kayang kaya pa
niya ang mag buhat.
At nitong huli naman ay sinubukan niyang maging barker o
yung taga tawag ng mga pasahero para sumakay sa jeep.
Ang barker ang naghihikayat ng mga pasahero para mas mabilis
na mapuno ang jeep at sila din minsan ang naniningil ng pamasahe ng mga
pasahero upang hindi na mahirapan pa ang driver.
Byaheng main gate sa Angeles Pampanga ang rutang napili ni Jimmy
na pagbarkeran habang nasa terminal.
Bilang pagsunod sa alintuntuning pampubliko ay paulit-ulit na
pinaalalahanan ni Jimmy ang mga pasahero na panatilihin ang social distancing
sa loob ng sasakyan.
Tuwang tuwa naman ang mga pasahero nang makita ang
komedyante ng personal. Nakausap din ni Jimmy ang mga jeepney drivers para malaman
ang kanilang kinikita araw araw.
Napagtanto din ng aktor kung gaano kahirap ang pagiging
barker pero ang mahalaga ay may pagkaing maihahain para sa pamilya.
Natural sa ating mga Pilipino ang mag tiis, kahit anong trabaho
ay papasukin basta para sa pamilya at kahit paano ay mairaos ang pang
araw-araw.