Lolo, tumira sa lansangan matapos hindi naabutan sa bahay ang asawang umuwi ng Bicol - The Daily Sentry


Lolo, tumira sa lansangan matapos hindi naabutan sa bahay ang asawang umuwi ng Bicol



 

Larawan mula kay Mae Ann Hao-Reginaldo 

Viral ang post ng netizen na si Mae Ann Hao-Reginaldo kung saan ay namataan niya sa kalye ang isang matandang lalaki na nangungulila sa kanyang asawa.

Kwento ni Mae Ann, 80-anyos na si Mang Antonio na dating magsasaka sa gitnang Luzon at ngayon ay nag-aayos na lamang ng mga sirang payong sa gilid ng lansangan.

Ayon umano kay Mang Antonio, nasa Cubao siya noong marinig niya ang pag-lockdown sa buong Metro Manila kung kaya binalak nitong umuwi sa Batasan Hills upang makasama ang kanyang asawa.

"Ngayon, lockdown, 80 na si Antonio. Nasa Cubao siya, naghahanap ng magpapagawa ng payong nang marinig ang tungkol sa lockdown. Uuwi sana siya sa Batasan Hills para makasama ang asawa." ayon kay Mae Ann.
Larawan mula kay Mae Ann Hao-Reginaldo 

Noong nasa daan raw siya ay nakasalubong nito ang kanilang mga kapitbahay at sinabing isinama ng kanyang biyenan ang kanyang asawa pauwi ng Bicol.

Parehong walang cellphone ang mag-asawang matanda kung kaya hindi na sila nakapagpaalam sa isat-isa.

"Sa daan pauwi, nakasalubong niya ang mga kapitbahay niya, isinama raw ng biyenan niya si misis pauwi sa Bicol bago magsara ang NCR. Walang cellphone ang mag-asawa, hindi nila makakausap man lang ang isa't isa habang may lockdown." kwento ni Mae Ann.
Larawan mula kay Mae Ann Hao-Reginaldo 

Sa ngayon ay naglalagi si Mang Antonio sa harap ng isang pawnshop sa P. Tuazon na umaasang maabutan ng mga taong mabubuti ang loob.

Basahin ang buong post ni Mae Ann sa ibaba:

"Noon, Pinatubo. Tinabunan ng lahar ang mga bahay, palayan, at kabuhayan sa Gitnang Luzon. Hindi na nakapagsakang muli si Antonio Sumang, tubong Macabebe.

"Ngayon, lockdown, 80 na si Antonio. Nasa Cubao siya, naghahanap ng magpapagawa ng payong nang marinig ang tungkol sa lockdown. Uuwi sana siya sa Batasan Hills para makasama ang asawa. Malaki na ang nag-iisang anak niya, hindi na nila kasama sa bahay. Sa daan pauwi, nakasalubong niya ang mga kapitbahay niya, isinama raw ng biyenan niya si misis pauwi sa Bicol bago magsara ang NCR. Walang cellphone ang mag-asawa, hindi nila makakausap man lang ang isa't isa habang may lockdown.

"Sa labas ng isang pawnshop sa P. Tuazon naglalagi si Mang Antonio kapag hindi siya umuuwi sa kanila. Ipinakita niya ang mga gamit niya sa pag-aayos ng sirang payong. Binigyan ko siya ng tinapay.
Larawan mula kay Mae Ann Hao-Reginaldo 

"Binigyan naman niya ako ng mansanas, hindi raw niya mangunguya ito. Humingi siya ng vit. C. nung Biyernes. Dinalhan ko siya ng konti kahapon.

"Mabait naman daw sa kanya ang mga pulis sa checkpoint sa kanto ng 15th Av. at P. Tuazon. Minsan ay binibigyan siya ng pagkain.

"Ngayong naka-enhanced quarantine ang lahat, umaasa lamang si Mang Antonio sa kabutihang-loob ng mga nagdaraan.

"Nakakalungkot nga naman isipin na humantong sa ganito ang sitwasyon ni lolo Antonio. Sana naman ay may makapansin sa kanya at sa pamamagitan ng social media ay maipaabot sa mga may mabubuting puso ang kalagayan ni lolo.

***