Lola, nakapagtapos sa edad na 62; Pinagsasabay ang pag-aaral sa pag-aalaga ng mga apo at pagtitinda - The Daily Sentry


Lola, nakapagtapos sa edad na 62; Pinagsasabay ang pag-aaral sa pag-aalaga ng mga apo at pagtitinda



Larawan mula kay Glenn Mendoza


Hindi nasusukat sa edad ang pagtupad ng kahit gaano pa katayog na mga pangarap. 


Ito lang pinatunayan ng isang Lola mula sa Bulacan, na matagumpay na nakapagtapos ng pag-aaral sa High School, habang kanyang pinagsasabay ang pag-aalaga sa kanyang mga apo at ang paghahanap buhay sa munti niyang sari-sari store.  


Natupad rin sa wakas ang matagal ng pinapangarap ni Lola Josephine Amante Villatema ang maka-graduate sa eskwela kahit pa sa edad niyang 62-anyos.


"62 years old ako nag-aral, pero yung mga kaklase ko mga 15, 17, 20 sila ganoon," saad niya


"Walang makakaagaw niyan, kahit sino man kung nakatapos ka ng edukasyon. Magtapos ka kahit anumang hirap ng buhay," 


Bitbit niya ang mga ipinangako niya noon sa kanyang mga magulang na magtatapos siya ng pag-aaral. 


Larawan mula kay Glenn Mendoza


"Masaya po kasi ipinangako ko sa mga namat@y kong mga magulang na magtatapos ako sa pag-aaral,"


"Kahit na wala na sila tiyak na natutuwa sila ngayon kasi natapos ko yung high school kahit wala na sila," paliwanag ni Lola Josephine.


Aminadong hindi naging madali para kay Lola ang pagpapatuloy niya ng pag-aaral sa pamamamgitan ng Alternative Learning System (ALS) sa Timoteo Policarpio Memorial School sa Norzagaray, Bulacan.  


Bukod sa inaatupag na pag-aaral, hands-on din siya sa pag-aalaga ng kanyang dalawang apo na nakakasabay niya noon pagpasok ng paaralan. 


"Hinahatid ko po yung apo ko, pagkahatid ko sa kanya, pumapasok naman ako sa ALS,"


Ayon pa sa kanyang mga naging guro masipag at matalino si Lola Josephine lalong-lalo na noong hindi pa ipinagbabawal ang pagpasok sa mga paaralan.


"Minsan nga po kahit hindi pa nagtatawag ng mga learners, nagtataas na po siya ng kamay." salaysay ni Alvin Solivar, isa sa mga guro ni Lola Josephine.


Larawan mula kay Glenn Mendoza


"Sa kabila ng edad niya, hindi pa huli ang lahat para po magkaron siya ng kalidad na edukasyon," dagdag pa nito. 


Tunay na nagbibigay inspirasyon si Lola Josephine hindi lamang sa mga mas nakababatang estudyante kundi maging sa lahat ng mga indibidwal na kagaya niya na noon ay nangangarap lang maka-graduate.


Umpisa lang ito sa mga hakbang na tatahakin ni Lola Josephine upang tuluyang makamit ang pinapangarap. Sisikapin niyang maipagpatuloy pa ang pag-aaral at balak niyang kumuha ng kursong Culinary Arts sa tulong ng TESDA. 


"Yun talaga ang goal ko. Makapagtapos ako para maipagmalaki rin ako ng aking mga magulang. At kahit wala na sila matutuwa yun. Proud din 'yung mga apo ko at mga anak ko dahil nakapag-aral ako."


***

Source: PTV

Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!