Lola, ibinigay ang laman ng kanyang tindahan sa mga kapitbahay na hindi nabibigyan ng ayuda - The Daily Sentry


Lola, ibinigay ang laman ng kanyang tindahan sa mga kapitbahay na hindi nabibigyan ng ayuda



Larawan mula kay Marites Edroso

Hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na madami ang nangangailangan ng tulong ngayon dahil sobrang apektado sa ipinatupad na community quarantine dahil sa nararanasan na pagkalat ng sakit sa bansa.

Gayunpaman, kahit na hirap ang lahat sa pagbangon dahil sa epekto ng pandemya ay pinatunayan ng isang matandang babae na malalagpasan ito ng bawat isa kung mayroong pagtutulungan sa kapwa.

Imbes na ibenta ng 70-anyos na lola na si Evelina "Belina" Torres na taga- Bgy. San Isidro, Cainta, Rizal ang laman ng kanyang sari-sari store ay minabuti nalang nitong ipamahagi sa kanyang mga kapitbahay na hindi pa nabibigyan ng relief goods o ayuda.

Ayon sa Facebook post ng kanyang apo na si Marites Edroso, sobrang naawa raw umano ang kanyang lola sa mga taong hindi makatrabaho dahil sa umiiral na pandemya sa buong bansa.
Larawan mula kay Marites Edroso
"Nagsara na ng tindahan si Nanay Belina, walang natatanggap na relief goods ang street namin, kaya sya na lang daw ang magkakawang gawa. Kaya yung mga tinda nya ipinamimigay na lang nya sa mga mas nangangailangan." ayon sa apo na si Marites.

Kahit na nasa bahay lang si lola Belina ay hindi pa rin umano nawawala sa kanya ang pagiging matulungin at pagmamalasakit sa kanyang kapwa.

Sa mga larawan na ibinahagi ng kanyang apo, makikitang nasa tindahan si lola Belina habang hawak ang ibang paninda nito na ini-aabot ang supot na may lamang biskwit at sachet ng kape sa kanyang mga kapitbahay.
Larawan mula kay Marites Edroso
Kwento ng kanyang apo, matagal na umanong walang natatanggap na relief goods ang kanilang lugar kung kaya naman naawa si lola sa kanyang mga kapitbahay na walang ibang kinabubuhay dahil karamihan sa kanila ay naalis sa kani-kanilang pinagtatrabahuan dahil sa epekto ng pandemya.

"Sabi ni Nanay, 'Marami naman tayong stock, eh 'di itulong na lang'," ani Marites.

Agad din daw ipina-laga ni lola ang mga natirang itlog sa kanyang tindahan upang ipamahagi sa mga kapitbahay.

"Sana maka-inspire ito sa iba na kung makaluluwag ka naman, tulungan mo na rin ang iba," ani Marites.

Hindi nga naman mawawala sa ugali ng mga Pinoy ang pagiging matulungin lalo na sa mga oras na nasa gitna ng kagipitan.

***