Magkakapitbahay nagbayanihan magtayo ng online classroom sa tuktok ng bundok para sa kanilang mga anak - The Daily Sentry


Magkakapitbahay nagbayanihan magtayo ng online classroom sa tuktok ng bundok para sa kanilang mga anak



 

Screencap photos from ABS CBN News


Tulong-tulong ang mga residente at mga estudyante para makapagtayo ng sarili nilang classroom sa tuktok mismo ng isang bundok sa barangay Taguytoy, Camalig, Albay.

 

Tanging distance learning pa rin ang paraan upang mabigyang daan ang muling pagbubukas ng klase dahil sa patuloy pa rin na pagtaas ng mga tinatamaan ng covid19 sa bansa.  *


 

Kaya naman gumawa ng sariling diskarte ang mga magkakapitbahay para sa kanilang online class. Katuwang sa pagpapagawa ng kanilang online classroom ay ang kanilang mga magulang at mga mag-aaral kabilang ang 4th year education student na si Marvin Joshua Nupia na syang nakaisip ng proyekto.

 

Ayon kay Marvin, nadiskubre nya na may signal ng internet sa tuktok ng bundok kung saan ay madalas nilang puntahan. Naisipan nyang dito na magtayo ng isang kubo na magsisilbing classroom ng mga estudyante sa kanilang lugar.

 

Nagkusang loob din na tumulong ang ilang mga magulang ng mga bata para na rin sa kapakanan ng kanilang mga anak upang mas mapagaan ang kanilang pag-aaral sa online class.

 

“Tinulungan ko sila, para naman po kumportable naman po ang sitwasyon ng mga bata. Wala rin naman po kasi akong ginagawa kaya’t tinulungan ko sila.” Sabi naman ni Mang Reynaldo Bigcas residente sa nasabing lugar.  *


 

Screencap photos from ABS CBN News



Naaawa din umano si Marvin sa mga batang estudyante sa kanilang barangay dahil kung saan saan pa naghahanap ng lugar ang mga ito para lang makasagap ng signal para sa kanilang online class at research para sa kanilang mga modules.

 

“Mahirap ang signal dito sa amin at may mga spot lang o lugar na may malakas na signal ng internet. Nung nadiskubre namin ito, marami ng nag online class at dito na rin sila nag-oonline session at pagsasagot ng kanilang modules.” Pahayag ni Marvin Joshua Nupia sa panayam sa kanya ng ABS-CBN news.

 

“Nakita namin na nahihirapan ang mga estudyante kaya naisipan naming magpagawa ng online classroom na ganito upang hindi na sila masyadong mahirapan, hindi na sila mag-iisquat, yung iba nakatayo lang pero ngayon magiging komportabble na sila.” Dagdag pa ng binata.  *

 

Screencap photos from ABS CBN News




Laking tuwa naman ng mga estudyante sa kanilang barangay dahil nabigyan na sila ng lugar kung saan ay may malakas na signal ng internet at kumportable na silang makakapag aral ng kanilang mga modules.

 

“Hindi na po kami masyado maiinitan at hindi na po nakakapagod mag-squat dahil may upuan na at masisilungan,” ani Jasmin Mariño isa sa mga estudyante.


 

“Mas maganda po ngayon kasi kapagka mainit sa umaga, ay may masisilungan na at tsaka po pag may research namn kami sa gabi sa mga modules namin, di na po kami mahahamugan.” Dagdag pa ng isang estudyante.

 

At dahil hindi pa rin natatapos ang krisis sa pandemanya, hindi pa rin bumabalik sa normal na face to face to ang klase sa mga paaralan sa buong bansa. Kaya mainam na nakakaisip ng mga pansamantalang solusyon ang ating mga kababayan. *

 

Screencap photos from ABS CBN News