Ang 24 pinoy Boy Scouts na dadalo sana sa World Jamboree ngunit nasawi sa plane crash noong 1963 - The Daily Sentry


Ang 24 pinoy Boy Scouts na dadalo sana sa World Jamboree ngunit nasawi sa plane crash noong 1963



 


Bilang parte ng nakaugalian ng mga Pilpino, nakasanayan na nating pumunta sa sementeryo tuwing sasapit ang November 1. Araw ito kung kailan inaalala natin ang mga yumao nating mga kakilala o mahal sa buhay na pawang mga nagdulot sa atin ng lungkot at nag-iwan ng kurot sa ating mga puso. 


Pero sa dinami-rami ng mga istorya ng pamamaalam na narinig natin, marahil ay isa na ang kwentong ito na tiyak na tatatak at kukurot sa puso nang kung sinoman ang makakarinig. 


Tunghayan ang kwentong nagpaluha sa marami: ang 24 boy scout na pawang mga pinoy na namaalam sa isang hindi inaasahan at napakapambihirang pagkakataon. 



Sadyang nakapanlulumo ang sinapit ng mga kabataang ito na tumulak papuntang Greece upang makilahok sa World Jamboree. Mga kabataan na walang ibang hinangad kundi magbigay karangalan sa ating bansa. Ngunit sa kasamaang palad ay namayapa nang walang kalaban-laban matapos bumagsak ang eroplanong lulan ang mga kaawa-awang pinoy noong 1963. Jamboree Marathon


55 taon na ang nakalipas mula nang maganap ang makapanindig-balahibong pangyayaring ito ngunit sariwa pa rin sa alaala ng mga pamilya ng namayapa ang naturang pangyayari. Ang mga kalalakihang ito ay nakatakda sanang irepresenta ang Pilipinas sa  11th World Jamboree sa Greece. Nilagak ang labi ng mga biktima sa Manila North Cemetery.




Pagbabalik-tanaw ni Fe Castor-Pangan, kapatid ng isa sa mga yumao, malinaw pa sa kanyang alala ang huling sandali na nakita nya ang kanyang kapatid na para bang kahapon lang ito nangyari. 


Karangalan

11-taong gulang pa lamang si Fe noon at 14 naman ang kuya nyang si Roberto. Ayon sa kanya, nakita mismo ng kanyang dalawang mata kung gaano ka-excited ang mga nasabing boy scout habang sumasakay ang mga ito ng eroplano. Masaya pa silang kumakaway bago tuluyang lumipad, lalo na’t piling-pili lang ang mga pinoy na nabigyan ng pagkakataon na makasama sa napakalaking pagtitipon na ito. Libo-libo ang nag-apply at striktong pinili para makasali sa nasabing Jamboree.




Tatlong taon makalipas ang trahedya, nakatanggap si Fe ng  Outstanding Girl Scout award sa Quezon City. Sa kasalukuyan, sa kanyang edad na 66, isa na syang Board Member ng Boy Scout of the Philippines. Isa rin sya sa mga aktibong miyembro ng Girl Scout of the Philippines.


Pangitain


Pagbabahagi ni Fe, may natatandaan syang naging pangitain noon bago pa man sumakabilang buhay ang kanyang kuyang si Roberto sa napakamurang edad. Aniya, sinubukan ng kanilang ina na pigilan si Roberto at kinumbinse itong magback-out para gamitin na lang ang pera sa kanyang mga magiging gastusin sa pagkokolehiyo. Third year high school na kasi noon ang batang lalaki. Pero tinanggihan ito ni Roberto at sinabi umano nito sa kanilang nanay na “Nay, hayaan mo papalitan ko yan.”




Matapos ang insidente, saka na lamang nila napagtanto kung ano ang ibig sabihin ng yumaong binatilyo. Para sa kanila, ang tinutukoy ni Roberto na ipapalit nya umano ay ang karangalan na binigay nya sa kanilang pamilya. 


Inspirasyon


Para kay Fe, ang pagkawala ng magigiting na 24 boy scouts ay nagsilbing inspirasyon sa mga kabataan.


Ang hindi inaasahang trahedya ay naganap noong July 28, 1963 sa kanilang UAE flight kung saan lahat ng crew at pasahero ay nasawi. Bumagsak ang eroplano sa Arabian sea.


Upang parangalan ang 24 heroic boy scouts, ang 24 streets sa Barangay Laging Handa, Quezon City ay ipinangalan sa kanilang lahat.