Ipinahayag ng TV host na si Vice Ganda ang kanyang opinyon patungkol sa mga politikong korap at magnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa isang episode ng bagong game show ni Vice sa ABS-CBN na “Everybody Sing,” naikwento ng grab driver na si Jeffrey kung papaano siya tumulong sa kapwa niya kahit na nabiktima siya ng fake booking.
Kwento ni Jeffrey, biktima siya ng fake booking at isang video ang nag-viral sa social media kung saan makikita siyang kinakain ang order ng customer.
"Kumakain ako sa gilid ng drive-thru. Na-fake book po ako," kwento ng grab driver. Aniya, cancelled order raw ang kanyang kinakain.
Tinanong rin siya ni Vice kung masaya ba ito habang kinakain ang order na pagkain ng customer.
"Hindi po. Nabawasan po yung puhunan eh,” sagot ni Jeffrey.
Matapos mag-viral ang video ay marami ang tumulong kay Jeffrey at nakatanggap ito ng P60,000. Ayon kay Jeffrey, nag-donate siya ng sampung sako ng bigas sa kanyang mga kapitbahay.
"Pero dahil naman sa nag-viral yan, ang daming na-touch, kaya naman may mga nagpadala sayo," sabi ni Vice.
"60 ma'am. Pero pinamigay ko rin, ma'am. Nagpamigay rin po ako ng sampung sakong bigas sa mga kalugar ko,” sabi ni Jeffrey.
Inihayag naman ni Vice ang kanyang paghanga kay Jeffrey dahil sa kabila ng dinanas nito ay nagawa pa rin nitong tumulong sa kanyang kapwa.
“Yan yung ugali talagang ba-bow ka… 60 thousand malaki rin naman talaga yun hindi naman siya pangkaraniwan pero sa hirap ng buhay mo at pinag dadaanan mo pwede mong sarilinin yun eh at gawin mong panimula para sa mga tatrabahuin mo… pero shinare mo diba…” saad ni Vice.
“Yung mga hindi na nga nakakaluwag luwag na Pilipino, sila na nga yung walang wala, sila pa yung mas ma-share. Ang hindi ko maintindihan, yung mga ubod na ng yaman, lalo na yung mga politikong ang yayaman na, nagnanakaw pa…”
“Nakakaloka. Uy mahiya kaya kayo. Ito nga 60 thousand lang yung binigay shinare pa. Kayo ang yaman yaman niyo na, nagnanakaw pa. Uy kape kape din uy…” dagdag ni Vice.
***
Source: Showbiz Chika