Lolo, matyagang nagpapayong sa apo sa lugar na tanging may signal para matapos ang module - The Daily Sentry


Lolo, matyagang nagpapayong sa apo sa lugar na tanging may signal para matapos ang module





Di hamak na mas mahirap ang sitwasyon ng mga mag-aaral ngayon kumpara noong mga panahong wala pa ang pandemya na nararanasan natin sa kasalukuyan. At mas ramdam ito ng mga batang sadyang walang-wala sa buhay. 

Dahil sa limitasyon na dulot ng sitwasyon ngayon, distance learning ang naging pamamaraan ng mga guro at estudyante upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Para sa mga taga-syudad ay walang kahirap-hirap ang online class. Ngunit tiyak na kabaliktaran ang dinaranas ng mga batang nasa probinsya o liblib na lugar. 

Mula sa paghahanap ng pera para makabili ng laptop o cellphone para makasabay sa distance learning, hanggang sa pagsagap ng signal sa mga iilan lang na piling lugar, lubhang malaking pagsubok na ito para sa mga estudyanteng nasa probinsya.

Gaya na lang ng kalagayan ng mag-lolo na ito na naabutang nag-aaral sa liblib na lugar kung saan doon tanging malakas ang nasasagap na signal. 

Ayon sa teacher na si Jorge Tejada na syang kumuha ng nasabing larawan, madalas nyang nakikita ang mag-lolo sa lugar na iyon para lang matapos ang aralin ng bata. 



Tulad ng makikita sa larawan, matyagang pinapayungan ng 71-anyos na si Arnulfo Teves ang kanyang apo na si Daniel, 12-taong gulang. Nasa ikapitong baitang na raw ang naturang bata na sinisikap mag-aral kahit pa mahirap ang kanilang kalagayan. 

Araw-araw umanong naglalakad ang dalawa ng 30 minuto para lang makapunta sa liblib na lugar at makakuha ng magandang signal. Labis man itong mahirap para sa kanila, lalo na kay lolo Arnulfo, ay pilit nila itong tinitiis at kinakaya para lang sa edukasyon ng bata. 



Sa kabila ng katandaan ni lolo Arnulfo, sinisikap pa din nyang magabayan ang kanyang apo. 

Humingi naman umano ng permiso sa dalawa ang guro ng kunan nya sila ng larawan. Ani Teacher Jorge, hangad umano ng matanda na makarating sa kinauukulan ang dinaranas nilang hirap upang sila ay matulungan.