Guro, pinagda-drop ang estudyante na hindi afford ang laptop o internet para sa online class - The Daily Sentry


Guro, pinagda-drop ang estudyante na hindi afford ang laptop o internet para sa online class




"Kung walang pambili ng laptop o internet, mag-drop. Huwag nang mag-aral", marahil ay ito na ang pinakamasakit na mga salitang maririnig mula sa guro ng isang estudyanteng pursigidong matuto at makapagtapos ng pag-aaral.


Sa hirap ng buhay bago pa man magkaroon ng pandemya, marami nang magulang ang walang kakayanan na pag-aralin ang kanilang mga anak. Ngunit mas lalo pang hindi naging abot kamay ang edukasyon para sa ilang mga kabataan dahil 'di hamak na mas pinahirap pa ng kasalukyang sitwasyon ang kanilang kalagayan. 


Sa kasamaang palad, gawin man ng mga paaralan at mga guro ang lahat ng kanilang makakaya para masuportahan ang mga mag-aaral, ay hindi pa rin ito sapat. Ito ay dahil kinakailangan ng bawat estudyante na magkaroon ng gadget gaya na laptop o cellphone para sa kanilang module at online class, bagay na hindi kayang ibigay ng mga eskwelahan. 


Dulot nito, napipilitan ang ilan na hindi na magpatuloy sa pag-aaral kahit gaano pa man nila kagustong matuto. Gaya na lang ng ilang mga estudyanteng ito mula sa Occidental Mindoro. 


Sa isang video call sa Google Meet, maririnig ang isang guro na hinihikayat ang kanyang mga estudyante na gumawa ng paraan para makapag-provide ng 'ganoong technology' (laptop at internet).



Tanong ng isang mag-aaral sa guro, "Eh paano po sir pag wala po talagang pambili ng laptop?"


Diretsahang sumagot ang guro sa naturang bata at walang kagatol-gatol na sinabing "Mag-drop. I said yes, mag-drop. That is mag-drop."


Paliwanag ng teacher, kailangan magpatuloy ng paaralan sa pagtuturo kaya kung hindi kayang makasabay ng estudyante ay kinakailangan nitong mag-drop. 


"Kung ang problema sa pag-aaral ay walang internet, walang pambili ang nanay, walang pambili si tatay, mag-drop. Huwag na mag-aral. Ganun lang. Kasi kailangan din magpatuloy ang OMSC." ika ng guro. 



"Kung lahat pagbibigyan ang katwiran, wala, walang mangyayari sa'tin nyan ha guys." dagdag pa nya.


Abiso ng nasabing bata sa kanyang maestro, "Yung iba po sir hindi po nakapasok sa Google Meet ngayon, mahina po 'yung signal nila."


Mabilis na sagot ng guro, "O eh di mag-drop na rin, hindi makapasok eh."


Ito ang masakit na katotohan sa ngayon. Marami ang napipilitang tumigil sa pag-aaral sa kabila ng kagustuhan nilang matuto, dahil lang sa kawalan ng kakayanan ng kanilang mga magulang na masuportahan ang kanilang edukasyon. 


Caption sa Facebook post ng estudyante na nag-post ng video, "Kasalanan ba ng magulang namin wala kaming pambili ng laptop? Wag mo nalang po iday parents namin, hindi rin naka pasok sa gmeet idrop agad? Sir mahirap po ang buhay ngayon"


Facebook post ng estudyante: