Graduation day ang isa sa mga araw na pinakakinasasabikan ng mga mag-aaral. Ngunit para sa mga magulang, doble o triple pa ang pananabik at kasiyahan na kanilang nadarama para sa kanilang mga anak sa pagdating ng araw na ito.
Malaman lang na kasama sa mga magtatapos na mag-aaral ang kanilang anak ay isa nang malaking karangalan, kung kaya wala nang mas hihigit pa sa sayang nararamdaman nila kapag sumapit na ang mahalagang tagpo na ito sa buhay ng kanilang anak, lalo na kung masasasaksihan mismo nila ito sa personal.
Kaya naman sinigurado ng isang estudyante na ito na makakadalo ang kanyang nanay at tatay sa napakaespesyal na araw na iyon. Bilang pasasalamat na rin sa lahat ng ginawa nila upang mabigyan sya ng maayos na edukasyon.
Ang pag-aaral ng Account and Finance sa loob ng tatlong taon ay ginugol ni Mohammad Afiq Ismail sa University of Essex, United Kingdom kung saan sya sinuportahan ng lubos ng kanyang mga magulang.
Alam ni Ismail kung gaano kalaki ang sinakrapisyo nila para sa kanya kaya ginawa nya ang lahat upang masuklian ito kahit sa maliit lang na pamamaraan.
Nagdesisyon syang magtrabaho araw-gabi. Sa pamamagitan nito, nakapag-ipon sya ng pambili ng plane ticket ng kanyang nanay at tatay papuntang UK. Hindi biro ang presyo ng ticket ng eroplano papunta roon kaya bukod sa pinagsabay nya ang pag-aaral at pagtatrabaho ay talagang matinding pag-iipon at pagtitipid ang ginawa ng estudyante.
Kahit pagod na sya ay wala pa ring tigil si Ismail sa pagkayod dahil sa kagustuhan nitong maibili sila ng plane ticket at masaksihan ng mga ito ang pagtungtong nya sa entablado para tanggapin ang kanyang diploma.
“My mother and father have never been on an airplane. I wanted to pay fro their tickets as a gift for everything they’ve done for me, for helping me finish my studies.” aniya sa kanyang Facebook post.
Nagmula pa sa Malaysia ang kanyang mga magulang kaya sadyang mahal ang pamasahe ng mga ito papuntang UK.