Kahit may kapansanan, lalaki walang kapagurang pinagsasabay ang 3 trabaho para may makain - The Daily Sentry


Kahit may kapansanan, lalaki walang kapagurang pinagsasabay ang 3 trabaho para may makain





Mayaman o mahirap, hangga't kaya at malakas pa, pare-pareho ang karamihan sa atin na patuloy na nagsusumikap maghanapbuhay para sa kanya-kanyang dahilan na mayroon tayo. Ngunit hindi pare-pareho ang antas ng hirap na dinaranas ng bawat isa sa atin. 


Gaya na lamang ng kwento ni Niño Landicho mula sa Tiaong, Quezon. Ang lalaking walang kapagurang pinagsasabay-sabay ang hindi lang isa o dalawa, kundi tatlong trabaho araw-araw. 


Sa unang tingin ay aakalain mong walang disabilidad o kapansanan si Niño dahil sa kanyang napaka-positibong pananaw sa buhay at pagiging puno ng pag-asa. Pero ang totoo ay hindi na sya nakakalakad mula pa noong sya ay dalawang taong gulang pa lamang kung saan na-diagnose sya ng sakit na polio. 




Aniya, "Nag-self-pity ako noon kasi nag-iisa lang akong pumapasok sa school namin, na ako lang 'yong binubuhat," 


Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa kanyang naging disposisyon sa buhay. At lalong hindi itong naging balakid sa kanya para magbanat ng buto at kumita ng pera sa sarili nyang paraan at sa abot ng kanyang makakaya.  


"Pagka pamilyado kang tao, dapat meron kang paninindigan kasi hindi ka pwedeng umasa." paliwanag nya.




Hindi sapat ang mga salitang masipag, matyaga, at matatag para ilarawan ang naturang lalaki dahil wala syang hindi papasuking trabaho para lang masuportahan ang kanyang mga mahal sa buhay. 


Tuwing umaga ay nakapwesto sya sa kanyang watch repair shop sa isang palengke. Kapag walang masyadong customer ay umiikot sya para magpataya ng STL. Ang pangatlong pinagkakakitaan naman ni Niño ay ang paglalako ng minatamis na kalumpit na sya mismo ang gumagawa.


Ang ginagamit nyang wheelchair ang nagsisilbing paa nya sa loob ng halos tatlong dekada na.


Kayod-kalabaw ang ginagawang diskarte ni Niño dahil bukod sa kabi-kabila ang trabaho na pinagsasabay-sabay nito sa kabila ng kanyang kalagayan, ay tuloy-tuloy pa rin syang naghahanapbuhay umulan man o umaraw para lang may makain sila ng kanyang pamilya lalo na't may mga anak sya na kailangan nyang itaguyod ang mga pangangailangan.


Inulan naman sya ng papuri mula sa mga taong nakapaligid sa kanya lalo na sa kanyang misis dahil sa kanyang pagsisikap sa buhay.


Ani Niño, walang imposible basta't pursigido.


"Masarap mabuhay kahit may kapansanan ka. Kailangan maging productive din tayo." dagdag pa nya.