From Bahay-Kubo to Bahay na Bato! Dream House ng isang Anak para sa mga Magulang, Natupad! - The Daily Sentry


From Bahay-Kubo to Bahay na Bato! Dream House ng isang Anak para sa mga Magulang, Natupad!



Photo credit to Krisem Joyce Cruz Sambat | Facebook

Sadya nga namang kahanga-hanga ang mga magulang na kahit gaano kahirap ay iginagapang ang pag-aaral ng kanilang mga anak upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan.

At lubhang kahanga-hanga rin ang mga anak na nag-aral ng mabuti at nagsumikap upang maiahon sa hirap ang kanilang mga magulang bilang sukli sa pag-aalaga at pag-hihirap ng mga ito.



Kaya naman isang kwento na naman ng pagsusumikap ang pumukaw sa atensyon ng mga netizens tungkol sa isang pamilya na nagsimula sa hirap ngunit dahil sa pagtyatyaga at pagsisipag ay nagawang iahon ang kanilang buhay at ngayon nga ay unti-unting inaabot ang kanilang mga pangarap.

Photo credit to Krisem Joyce Cruz Sambat | Facebook

Sinimulan nila ito sa pagtayo ng kanilang 'Dream House'. Mula sa isang bahay-kubo ay isang bahay na bato na ang kanilang tintirhan ngayon. 

Photo credit to Krisem Joyce Cruz Sambat | Facebook

At ito ay proud na ibinahagi ng anak na si Krisem Joyce Cruz Sambat sa kanyang Facebook post, kung saan kanyang isinalaysay ang 'journey' ng kanilang pamilya at kung paano niya siniguradong magiging proud ang kanilang mga magulang sa kanilang magkakapatid.



Narito ang inspiring post ni Cruz:

"𝗠𝗔𝗞𝗘 𝗬𝗢𝗨𝗥 𝗠𝗔𝗠𝗔 𝗔𝗡𝗗 𝗣𝗔𝗣𝗔 𝗣𝗥𝗢𝗨𝗗!

“𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗜𝗠𝗨𝗟𝗔”

Warning, mahaba ang kwento pero sana maging inspirasyon sa iyo.

Hindi kami pinanganak na mayaman. Mula bata pa kami, naaalala ko na kubo ang isa sa una naming naging tahanan. Lima kaming magkakapatid, kasama ng mama at papa namin, kung ano ang tulugan, doon din ang kusina, sala at lahat lahat na. Kahit maliit ang kubo at mahirap ang buhay, ang pamilya namin ay nanatiling simple, kumpleto, at masaya. Sabi nga nila, “Aanhin ang bahay na bato, kung nakatira'y kwago? Mabuti pa ang kubo, na ang nakatira'y tao."

Pagkatapos ng ilang taon sa palaisdaan, lumipat kami sa barangay. Ang litrato sa itaas ang naging tirahan namin sa matagal na panahon. Dito sa tahanan na ito nabuo ang mga araw na masasaya; mga araw na hindi ko ipagpapalit sa kahit ano mang halaga. Dito rin namin naranasan ang hirap sa tuwing umuulan at may bagyo. Naranasan namin ang pagbaha at paglubog ng halos lahat ng mga gamit namin. Palagi ding may tulo mula sa bubong at mga palanggana na ginagamit pangsalo. Pumapasok din ang mga peste at palaka sa tuwing may baha. Friends na nga namin sila, haha! Shoutout din sa mga kapitbahay na nililipatan namin sa tuwing malakas ang bagyo. Pero ganoon pa man, laban pa rin, patuloy ang buhay. Kahit bagoong lang ang ulam, kahit na mang utang sa tindahan, kahit pabalik-balik sa hospital ang aming tatay. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito, ang mahalaga ay masaya at magkakasama kami.

Totoong naging mahirap ang buhay pero nakakabilib ang mga magulang namin dahil di nila kami pinabayaan at ni minsan hindi sumagi sa isipan nila na patigilin kami mag-aral. Shoutout sa tatay kong madiskarte at sa nanay ko na maghahanap ng mga scholarship at humihingi ng tulong sa mga kamag-anak sa tuwing wala ng pamasahe at baon ang ilan sa amin. Handa yan magmakaawa, makapag aral lang kami. Ginawa n'yong lahat para maipagpatuloy at matapos namin ang aming pag-aaral. Totoo nga, edukasyon ang susi sa kahirapan.

Ito na ang SIMULA. December 31, 2018, naalala ko nung nagsimula akong mangarap, kalakip ang suporta ng aking mga kapatid at buong pamilya. Sabi ko sa sarili ko, "ito yung huling taon na ganito ang magiging itsura ng bahay namin", sinigaw ko yun nung bago mag bagong taon - 2019. Ang drama ko 'di ba? haha. Ang main goal ko lang nun ay ayokong tumanda at magretire ang mga magulang ko na ganun pa din ang bahay nila. Sino ba na mang anak ang hindi hihilingin ang pinaka- the best para sa kanilang magulang?


Pero hindi naging madali, mahirap pala talagang bumuo ng mga pangarap, kailangan mo ng matinding paniniwala sa Diyos na kakayanin mo at sabayan ng matinding gawa. Pinagsabay ko ang dalawang kong trabaho. Salamat sa Sun Life at TD, mahal ko kayo. Tipid kung tipid, no to walwal at kain sa labas, halos hindi rin ako bumibili ng damit. Lumpiang Togue na tig-syete lang sa kanto ang halos araw araw kong kaantabay. (Wag nyo ko gayahin, masama yun ) Nagtitinda din sa online para makadagdag sa pantustos sa gastusin. Kasama ang suporta ng mga kapatid ko, sa mama at papa ko na abala sa pagpapagawa, pinatunayan natin na “TEAMWORK MAKES THE DREAM WORK”.

Naudlot man dahil sa pandemya at mga problema, nagpapatuloy pa rin. Sa ngayon, patuloy pa ring pinapagawa ang aming dream house, pero ito na siguro ang pinakamagandang REGALO para sa aming PAPA at MAMA. Ito na ang SIMULA. Ngayong araw ay ang ika-anim na pu (60) na kaarawan ng aming PAPA. HAPPY HAPPY 60TH BIRTHDAY, PAPA!!! Sobrang saya ko dahil yung pangarap ko na magreretire sila sa mas maayos at mas magandang bahay ay natupad na. Nakakaiyak pala pag nandito kana, malapit munang makamit yung mga pangarap mo.

Salamat Mama at Papa, salamat at hindi kayo sumuko sa amin. Ang tagumpay ko; ang patuloy pang pagtatagumpay ng mga kapatid ko, ay tagumpay ninyo. Salamat dahil minahal niyo kami at naging solid kami dahil sa inyo. Yung bahay na yan, hindi para sa akin or para sa amin, pero para sa inyo. Para sa walang sawa n'yong pagsusumikap nung mga bata pa kami. Mahirap man sa simula, ngayon makakabawi na kami. Dalangin ko sa Panginoon na bigyan pa kayo ng mas marami pang taon, dahil para sa inyo kung bakit kami patuloy na nangangarap. Ito palang ang SIMULA ma at pa, mahal na mahal namin kayo.

Higit sa lahat, salamat Panginoon. Salamat sa biyaya Niyong buhay sa magulang ko. Salamat sa mga turo Niyo sa amin mula pa noon hanggang ngayon. Mas na-appreciate namin ang lahat dahil nagsimula kami sa hirap. Wala kaming credit Lord dahil Kayo ang nagpahintulot ng lahat.

At sa iyo na umabot sa huling bahagi na ito, huwag kang tumigil mangarap. Maghanap ka ng inspirasyon mo para mangarap at mas magiging makabuluhan ang lahat. Keep grinding, keep going, keep dreaming. Samahan mo ng matinding pananalig sa Diyos at tutulungan ka nya. Aahon ka, aahon tayong lahat. Kung nasa mahirap ka man na sitwasyon ngayon, huwag kang tumigil dahil tuloy ang buhay. Hinihintay na ng mga pangarap mo ang iyong SIMULA. Sana maging inspirasyon ang aking kwento. Maraming maraming salamat sa pagbabasa, sa Diyos ang lahat ng Papuri.

Ma, Pa, naniniwala akong ito pa lang ang SIMULA ng marami pang pagpapala.

#DreamHouse
#PayBackTime
#AngSimula"



Source: Krisem Joyce Cruz Sambat | Facebook