Banye-banyerang isdang tamban sa Sorsogon, hinahayaan na lamang mabulok dahil sa oversupply - The Daily Sentry


Banye-banyerang isdang tamban sa Sorsogon, hinahayaan na lamang mabulok dahil sa oversupply



Nasayang at hindi na napakinabangan ang banye-banyerang isdang tamban o tinatawag na “lawlaw” sa bayan ng Bulan, Sorsogon dahil sa oversupply ng nasabing isda.
Photo credit: Kasanggayagan Network News

Halos ipamigay na lamang daw sa mga tao ang isda upang maubos at hindi masira.

Kumalat sa social media ang mga larawan ng isdang tamban na makikitang nakasupot at hinayaan na lamang na naka-tambak sa fishport.

Ang iba raw ay pinabayaan na lamang mabulok at anurin ng alon sa dagat na maaaring maging sanhi umano ng polusyon.

Ayon sa ‘Definitely Filipino’, mayroon naman daw canning factory sa lugar ng Bulan na gumagawa ng mga de-latang sardinas ngunit hindi maiiwasan ang oversupply kapag panahon ng tamban o ‘lawlaw’.
Photo credit: Kasanggayagan Network News
Photo credit: Kasanggayagan Network News

Ayon naman sa isang interview ng ABS-CBN kay Arnold Claveron, provincial field officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bicol, maaaring ang naging dahilan ng oversupply ng tamban ay ang muling pagbubukas ng fishing season sa Visayan Sea.

"May existing na canning factory doon, nakakatulong na yun. However, kapag talagang dumadagsa yung lawlaw, ah problema talaga. Sabi niya (mayor) may parating na isa pang kumpanya na magtatayo pa ng isang canning factory," sabi ni Claveron.

Ngunit hindi naman daw naging maganda ang masaganang huli ng mga mangingisda dahil nagkakaubusan na ng yelo sa Bulan.

Maganda dahil dumami yung isda, kaya lang pagdating naman sa sobra-sobrang isda katulad nga sa Bulan may time kasi na talagang kinakapos ng yelo. Meron din 3 planta dun ng yelo kaya lang pag masyadong marami, hindi kakayanin,” pahayag ni Claveron.

Aniya, ang regular na presyo ng isang banyerang tamban ay nagkakahalaga ng P800 hanggang P2,000 ngunit kapag ganito ang sitwasyon ay bumabagsak ito sa P200 lamang.

Sa isang ulat naman ng local news outlet na “Kasanggayagan Network News”, halos nasa P20 na lamang ang bentahan ng iba ngunit hindi pa ito nabibili.

Nanawagan naman si Claveron sa mga mangingisda na makinig sila sa abiso ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) at BFAR na limitahan na muna ang paghuli ng tamban kapag wala namang mga fish broker na gustong bumili nito.

"Karamihan kasi sa mga lawlaw diyan o kaya sardines nilalabas 'yan dito sa Bicol papunta sa Manila, may time kasi na nagi-stop-buying yun mga pinagdadalhan nilang canning factory, meron sa Navotas," ani Claveron.

Nakatakda namang magsagawa ng value adding training ang BFAR gaya ng paggawa ng tinapa, patis at bagoong para mas kumita ang mga mangingisda.


***
Source: ABS-CBN News