Maraming social media influencers at vloggers ang nakakapagbigay ng tulong sa iba’t ibang tao lalo na sa mga lubos na nangangailangan.
Isa sa mga kilalang tumutulong ay ang vlogger na si “Virgelyncares”. Marami na siyang natulungan at isa sa mga ito ay ang 8-anyos na batang babae.
Nakita ng vlogger sa isang tindahan ang batang si Jenny. Nangungutang ito ng kape at asukal para sa kanyang ina na kumakalam na umano ang sikmura.
May malubhang karamdaman ang ina ni Jenny kaya siya na lamang ang gumagawa ng mga gawaing bahay.
Nang kausapin ng vlogger ang ina ni Jenny ay napagalaman niyang nabinat raw ito sa kanyang panganganak dahilan kung bakit siya nakahiga na lamang at hindi makakilos.
Nahihirapan na rin ang ina ni Jenny sa kanilang sitwasyon dahil napapabayaan na niya ang kanyang mga anak.
Si Jenny na lamang ang tanging nag-aalaga sa kanyang mga kapatid lalo na sa bunso.
Ang tatay ni Jenny ay isinasama umano ng mister ng may-ari ng tindahan sa kanyang trabaho upang kahit papaano may mayroon itong kitain.
Napakabuti rin ng may-ari ng tindahan na inuutangan nina Jenny dahil kahit na matagal sila bago makapagbayad ay pinapautang pa rin sila nito.
Nang tanungin naman ng vlogger ang kung anong hiling ni Jenny ay sinabi nitong gusto niya ng kotse para makapamasyal umano sila ng kanyang pamilya. Ngunit sinabi ng vlogger na hindi niya ito kayang ibigay dahil wala siyang pambili ng kotse.
Kaya naman humiling na lamang ng limang sako ng bigas si Jenny na siya naman tinupad ng vlogger. Dahil dito ay lubos ang pasasalamat ng ina ni Jenny.
Marami ang humanga at sumaludo sa ginawang kabutihan ng vlogger. Hiling nila ay marami pa siyang matulungan na lubhang nangangailangan.
***
Source: Virgelyncares | Youtube