Isa sa mga kasabihang alam nating lahat ay “Ang edukasyon ang kayamanang hindi mananakaw sa atin nino man.”
Ito ang pinatunayan ni nanay Ofelia Mondaya, 56, mula sa Batangas matapos niyang magbigay inspirasyon at patunayan na hindi hadlang ang kanyang edad para tuparin ang pangarap na makakuha ng college degree.
Si nanay Ofelia ay higit dalawang dekada ng isang street sweeper at nakapagtapos ng kolehiyo noon lamang July 2020.
Isa rin si nanay Ofelia sa tatlong babaeng Natatanging Batangueño 2021 RotAwardees ng Rotary Club of Batangas nito lamang February 2021.
Ayon sa Facebook page ng Rotary Club of Batangas,
“A 5[6] year old long time streetsweeper with 7 children who didnt stop to reach for her dreams of finishing college despite poverty and old age.”
“Graduated BS Business Administration, she now works for the City Government of Batangas as office clerk.”
“She was also featured in different Social Media and TV Shows for her exemplary vocational service.”
Sa Facebook account naman ni nanay Ofelia ay makikita na nagtapos siya sa Colegio ng Lungsod ng Batangas at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Admin Aide 1 sa Batangas City government.
Sa edad niyang 56 ay isa ng lola si Ofelia at mayroon na siyang labindalawang apo.
Nang maitampok ang kwento ni nanay Ofelia sa ASAP Natin ‘To noong July 2020, tinanong siya kung ano nga ba ang nag-motivate sa kanya para magbalik-eskuwela at magpursige sa pag-aaral.
Nanay Ofelia Mondaya / Photo credit: Rotary Club of Batangas
Nanay Ofelia Mondaya / Photo credit: Rotary Club of Batangas
“Kailangan ko pong kumilos at may gawin upang maiangat ang pamumuhay ng aking pamilya.”
Aniya, “Grade IV lang po yung natapos ko at pinatigil na po ako ng aking mga magulang.”
“Para daw po sa kanila, sapat na yung marunong sumulat at bumasa.”
“Twenty-three years na po akong street sweeper. Mahirap dahil hindi maiwasan na mabasa ng ulan, mabilad sa init.”
Gayunpaman, hindi pa rin isinuko ni nanay Ofelia ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Nanay Ofelia Mondaya / Photo credit: Rotary Club of Batangas
Nanay Ofelia Mondaya / Photo credit: Rotary Club of Batangas
Kaya ng madiskubre niya ang Alternative Learning System Accreditation and equivalency (ALS A&E) test ay hindi na siya nag dalawang isip pang subukan ito.
“Nagsimula akong mag-aral noong 2014 dito sa lungsod ng Batangas sa ilalim ng sa ilalim ng Alternative Learning System.”
“Nagkaroon ng programa ang city government na libreng pag-aaral sa kolehiyo.”
Matapos ang lima o anim na taon ay nakapagtapos si nanay Ofelia sa kursong Bachelor of Science and Business Administration Major in Marketing.
Aniya, “Masayang-masaya po ako na sa wakas natupad na po yung pangarap ko na makapagtapos ng pag-aaral.”
Sa ASAP interview, naibahagi rin ng anak ni nanay Ofelia na si Crizel ang hirap na pinagdaanan ng kanyang ina habang pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang street sweeper.
“Masipag, mapagmahal hindi lang po sa aming mga anak, ganoon din po sa kanyang mga apo.”
“Nakita namin yung paghihirap ni Mama, lalo na sa mga aralin niya.”
“Hindi po siya natutulog hangga’t hindi niya natatapos. ‘Tapos, kinabukasan, pumapasok pa siya sa trabaho.”
Sobrang proud daw si Crizel sa kanilang ina dahil nagbibigay ito ng inspirasyon sa mga taong gustong magtapos ng pag-aaral at maabot ang kanilang pangarap sa buhay.
Payo naman ni nanay Ofelia sa mga kabataan: “Ipagpatuloy ninyo ang mga pangarap."
“Huwag nating gawing dahilan ang kahirapan para huminto."
“Ginagawa natin ito hindi lang sa ating sarili, para sa ating pamilya, at sa ating kapwa.”
***
Source: PEP