Walang imposible! Bulag, nagtapos na summa cum laude sa Pangasinan - The Daily Sentry


Walang imposible! Bulag, nagtapos na summa cum laude sa Pangasinan




Isa na namang kwento ng tagumpay ang umani ng papuri sa social media matapos itong pumukaw ng atensyon dahil sa storyang tiyak na kapupulutan ng aral. Kilalanin si Minnie Aveline Juan at alamin ang kanyang kwento.





Napagkaitan man ng paningin, hindi ito naging hadlang para kay Minnie para abutin ang kanyang mga pangarap. Hindi man makakita, kitang-kita naman ang mga magagandang oportunidad na magbubukas sa kanya sa hinaharap dahil sa kanyang taglay na katalinuhan na naging rason kung paano nya nakamit ang pinakamataas na karangalan sa unibersidad.  


Kung ang ilan sa mga kabataan ngayon ay binabalewala o hindi binibigyan ng importansya ang kanilang pag-aaral, salungat dito ang pananaw sa buhay ni Minnie, ito ay sa kabila ng kanyang kapansanan. 


Taas noo na pinatunayan sa lahat ng naturang estudyante na hindi kailanman magiging balakid sa taong may pangarap ang pagkaaroon ng isang disabilidad. Ito ay matapos umangat ni Minnie sa buong klase nang sya ay magtapos at hirangin bilang summa cum laude ng kanilang batch. 



Pangalawa sa apat na magkakapatid, ipinanganak na bulag ang nasabing mag-aaral na nagmula sa pamilya ng mga doktor. Ang nanay at ang tatay nya na si Dr. Angelo Juan at Dr. Maria LiliaJuan ay pawang mga doktor. 


Nagtapos sya ng elementary at high school na may bitbit na medalya at naging magna cum laude naman sa Trinity University of Asia sa kanyang kinuhang kursong Bachelor of Arts in English. Samantala, nakamit naman ni Minnie ang pinakamataas na karangalan sa Virgen Milagrosa University bilang summa cum laude sa kursong Bachelor of Elementary Education major in Special Education. 


Nagturo si Minnie kanyang mga kapwa visually-impaired sa Vergen Milagrosa University sa Pangasinan. Sa kasalukuyan ay may pamilya na sya at biniyayaan ng isang supling. 





Ang kahanga-hangang kwento ni Minnie kung saan nalagpasan nya ang mga pagsubok at naabot ang tagumpay ay nagpapatotoo lang sa kasabihan na walang imposible sa taong determinado sa buhay.