Lolo Taho Vendor na Patuloy na Kumakayod para sa Asawa at 10 Anak, Viral at Hinahangaan ng Lahat! - The Daily Sentry


Lolo Taho Vendor na Patuloy na Kumakayod para sa Asawa at 10 Anak, Viral at Hinahangaan ng Lahat!



Photo credit to ABS-CBN News

Sadya nga namang kahanga-hanga ang mga ama na walang sawang kumakayod at naghahanap-buhay para sa kanilang pamilya. Lalo't higit sa kabila ng katandaan ay patuloy pa ding nakikipaglaban sa hirap ng buhay.

Isang taho vendor ang tila pumukaw ng atensyon, hindi lamang ng mga suki nito kundi ng social media at talaga namang nagviral online dahil sa kakaibang istilo at sipag na ipinapamalas nito.


Photo credit to ABS-CBN News

Siya ay si Tatay Felix Endrina, na sa kabila ng pandemya at edad na 64 ay hindi iniinda ang ulan, pagod, at bigat ng kanyang bentang taho para lamang matustusan ang pang-araw-araw na kailangan ng kaniyang pamilya.

At kahit pa nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 ay nilalakad at binabaybay pa din niya ang ilang lugar sa Quezon City, Binondo, Pasay at Makati mula Camarin sa Caloocan, para sa kanyang mga customers.

Ayon kay Tatay Felix, sa gabi siya nagbebenta ng taho. Ito ay simula alas-6 ng gabi hanggang alas-2 ng madaling araw. Kinukuha raw niya ang kaniyang suplay ng taho sa kapitbahay sa umaga para maibenta. At kapag may order at may nagtetext sa kanya ay binabaybay at nilalakad lamang niya ang pagdedeliver ng taho at hindi siya sumasakay dahil sa pandemic.


Photo credit to Mika Ramos | Facebook

Photo credit to Mika Ramos | Facebook

Hanggang sa isang araw nga ay nagviral sa social media si Tatay dahil sa isang netizen na nagbahagi ng kanyang larawan at kwento.

Iprinisenta raw kasi ni Tatay Felix sa isa pang pasahero at netizen na si Mika Ramos ang kanyang flyer para marami aniya ang kumuha sa kanyang taho sa mga events at private parties.

Kwento ni Ramos, araw ng Kapaskuhan noon ng nakasabay niya sa bus ang matanda. Nagbigay daw ang huli ng flyer na sadyang ikinamangha at ikinabilib niya dahil sa kasipagan nito.

Photo credit to Mika Ramos | Facebook


Ani Ramos, nakitaan niya ng pagpupursigi ang matanda na noon ay papunta diumano sa isang event. Kaya naman hiling ng netizen na sana ay marami ang magbook kay tatay Felix at mas dumami pa ang suki nito.

Hiling niya din na ilike at ibahagi ang Facebook page ni tatay para sa mga gustong magbook ng taho sa mga birthday parties at events.

Mas malaki daw kasi ang kikitain ni Tatay Felix sa private events kaysa sa paglalako kung saan inaabot siya diumano ng hanggang 8 oras para sa P500 hanggang P600 na kita. Samantalang P3,500 hanggang P4,000 ang kita niya kapag iniimbitahan siyang magbenta para sa espesyal na mga okasyon.
Kaya naman gumawa na din ang matanda ng kanyang social media accounts para mas mabilis siyang mahanap ng mga gustong magbook ng taho service nito.

Aniya, mas maganda raw pala sa booking dahil bukod sa kita ay may nagbibigay pa sa kanya ng tips. Hindi tulad ng paglalako na tingi-tingi, baso-baso at sampu-sampu.

Photo credit to Mang Felix Taho | Facebook

Photo credit Mang Felix Taho | Facebook

Ngunit aniya, kapag walang booking ay nagtyatyaga pa din siya sa paglalako dahil nanghihinayang siya sa kikitain kaysa mag-istambay siya sa bahay at nasanay na din siya sa trabahong ito sa 34 taon niya bilang taho vendor.


Minsan rin daw ay may mga nagmemessage sa kanya at umoorder ng kaunti, halimbaawa tatlong baso. Pinupuntahan pa rin daw niya ito at hindi niya sinasayang ang pagkakataon na kumita kahit maliit.

Photo credit to ABS-CBN

Kuwento ni Tatay Felix, ang pagtitinda ng taho diumano ang tumutustos sa pangangailangan ng kanyang 69 anyos na misis, na may iniindang ulcer, 10 mga anak, at 2 apo. Dahil ilan sa mga anak niya ay nawalan umano ng trabaho dahil sa pandemya.

Kaya naman ang hiling ni Tatay ay mas marami pa ang magbook sa kanya para sa mga espesyal na okasyon, lalo na't mas malaki ang kinikita niya rito kaysa sa paglalako.

Sa mga gustong magpa-book para sa mga taho ni Tatay Feliz, maaaring nito po siyang macontact sa kanyang numero na 0965-772-0961. 

"Sana mag-order kayo ng taho ko, kapag may birthday, binyag, tawag lang po kayo sa number ko. Kung mayroon kayong kailangan na order.", pakiusap ni tatay.



SourceABS-CBNMika Ramos