Trending sa social media ang isang matandang lalaki matapos umano nitong itapon ang mga iniabot na relief goods sa kanya dahil kulang raw ang mga ito.
Nakunan ng video ang naturang lalaki na nagpupuyos sa galit habang sya ay nakikipagtalo sa mga otoridad na nagbibigay ng tulong sa kanilang barangay.
KAKARAMPOT NA TUILONG
Sa video, maririnig ang matanda na nagrereklamo dahil sa layo umano ng nilakad nya para lang makahingi ng tulong ngunit kakarampot ito.
Ayon sa nagrereklamo, apat umano ang pamilya na nasa bahay nila.
Nang sabihin ng frontliner na bigyan ang tatay ng dalawa pang relief packs, "Hindi na! Sa inyo na!" ang sigaw ng nayayamot na matanda.
"Pinahabol nyo ako, ang layo ng nilakad ko itong tanda kong ito!" bulalas ng lalaki.
"Ang laki po ng bahay nyo!" sambit naman ng isang babaeng nag-aabot ng tulong.
"Ayus-ayusin nyo yung trabaho nyo!" alma ng matanda.
"Pwede po kayong makiusap sa amin pero wag nyo po kaming gaganyanin," tugon ng isa sa mga nag-abot ng relief packs.
Giit ng matanda, "Hindi ko kailangan makiusap sa inyo! Obligasyon yan!"
Paliwanag ng mga namamahagi ng tulong, dalawa lang ang naiaabot nila dulot ng kakulangan ng supply at para rin umano masiguradong mabibigyan ang lahat ng mga residente.
Narito ang kanilang pahayag:
Kami po ay nakikiusap sa lahat ng kabahayan na aabutan ng ating relief distribution team o FRONTLINERS na iwasan po natin ang mga ganitong pangyayari at lalo na ang paninira ng pagkain na ipinamamahagi ng ating Mabalacat City Government. Nauunawaan po natin na 4 na relief packs ang hinihingi nila at kung dalawa lamang ang kayang iabot sa ngayon ay tanggapin na lamang po sana imbes na itapon sa kalsada. Maaari din naman po makiusap ng maayos.
Paalala po lamang na kumalma tayo, magrespetuhan at magpasensyahan lalo na itong panahon ng krisis.
Panuorin dito: