Estudyante na nagtitinda ng Turon, Carioca at Lumpia, nakapagtapos bilang isang Cum Laude - The Daily Sentry


Estudyante na nagtitinda ng Turon, Carioca at Lumpia, nakapagtapos bilang isang Cum Laude



Larawan mula kay Jogie Macaraeg Papillera

Tunay nga namang isang inspirasyon ng mga kabataan ang ipinamalas ng isang 21-anyos na estudyante na si Jogie Macaraeg Papillera mula sa bayan ng Laguna na iginapang ang pagaaral sa paglalako ng meryenda at nakapagtapos bilang isang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Accountancy.


Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Jogie ang naranasan niyang hirap noong nagaaral pa lamang siya. 


Kwento ni Jogie, noong bata pa siya ay naranasan ng kanyang pamilya ang walang pera at makain hanggang umabot na sa puntong sinabi niya sa Panginoon na, "Lord, kahit tatlong butil lang po ng kanin."


Dahil dito ay sa murang edad na sampu ay nagsimula na siyang tumulong sa kanyang magulang na magtinda ng meryenda sa mga tao.

Larawan mula kay Jogie Macaraeg Papillera

Simula noong elementary, high school at hanggang mag-kolehiyo si Jogie ay walang arteng ginawa niya ang paglalako upang may pang tustos sa kanyang pagaaral.


Pagbabahagi ni Jogie, mula sa kanyang dalang dalawang basket, isang litrong suka at pasan ang kanyang backpack ay naglilibot siya para maglalako ng meryenda.


Kahit umano nangangatog na ang kanyang mga braso at paa sa bigta ng kanyang dala ay hindi niya ito ininda sa kagustuhang makabenta.


Kwento pa ni Jogie, umabot na din sa punto na pinagtatawanan, kinukutya at kinakantyawan siya ng ibang estudyante.

Larawan mula kay Jogie Macaraeg Papillera

Ganun pa man ay hindi niya ito pinansin at taas noo pa rin si Jogie na ipagpatuloy ang marangal na hanapbuhay na kanyang ginagawa basta ang importante umano ay makatulong siya sa kanyang pamilya at makapagtapos siya ng pagaaral.


Ayon pa kay Jogie, pangarap lang umano niyang makapagtapos sa pagaaral, pero higit pa dito ang ipinagkaloob sa kanya dahil nakapagtapos pa ito bilang isang Cum Laude dahil sa kanyang sipag, tiyaga at determinasyon sa sarili. 


"Dati, naglalako lang ako dito sa Canlubang ng meryenda, tirik ang araw, sakit ng lalamunan kakasigaw, ang bigat ng dala, tapos kahaggard pa. Pero ngayon, graduate na sa kursong Bachelor of Science in Accountancy, CUM LAUDE pa." ayon kay Jogie.


Basahin sa ibaba ang Facebook post ni Jogie:


"Turon, Carioca, Lumpia! Meryenda kayo jan!


"Dati, naglalako lang ako dito sa Canlubang ng meryenda, tirik ang araw, sakit ng lalamunan kakasigaw, ang bigat ng dala, tapos kahaggard pa. Pero ngayon, graduate na sa kursong Bachelor of Science in Accountancy, CUM LAUDE pa


"Lahat naman ng estudyante ay may pinagdaanang hirap sa buhay. Eto ang sa akin


"Noong elementary ako, seven pesos lang baon ko at sobrang saya ko na pag may dagdag na piso. Poor lang kasi kami. NAsanay ako gumamit ng sapatos kahit ba na sira na. Yung black shoes na binili nung pasukan, tapos sa kalagitnaan ng taon, masisira, tapos, yun pa din sapatos ko hanggang magrecognition/graduation. Hindi napapalitan kasi wala kaming pera noon pambili ng sapatos. Bihira ako mabilhan ng rubber shoes noon, kaya kahit pa na PE, black shoes na sira ang gamit ko. Nariyan yung tinatawanan ako,binubully at babatuhin ng papel na bato tapos sasabihan akong "baduy" ng mga schoolmate ko. Alam mo yung feeling na, di nila alam ang hirap na pinagdadaanan ng pamilya ko, tapos magsasabi sila ng ganun. Syempre, bata pa ako noon, kaya sobra kong dinibdib yung panglalait nila sakin Naiinggit ako sa mga kaklase ko na halos dala-dalawa o higit pa ang sapatos, tapos ako, iisa lang, yung black shoes na pang all-around. Pero di ko sinisisi mga magulang ko, kasi alam ko naman na mahirap lang kami.


"Naranasan namin yung tinding gutom. Walang pera, walang makain. Dumating na ko sa puntong sinabi ko sa Diyos, "Lord, kahit tatlong butil lang ng kanin". Hinding hindi ko to malilimutan, kaya naman, sinabi ko sa sarili ko, pagbubutihin ko pag-aaral ko, hanggang sa makatapos ako, at makahanap ng magandang trabaho. Ganun na lang ako kadesigido na ihaon ang pamilya ko sa hirap. Sobrang determinado ako, para di na maranasan ulit ng pamilya ko ang sobrang gutom 💪

Incoming Grade 5 ako (yung bakasyon after ko maggrade 4), isang maulan na hapon, habang ang papa ko (Francisco Papillera Jr.) ay nasa trabaho (factory worker siya sa Roberts AIPMC) at si mama ay naglalako ng banana cue at turon, samantalang kaming magkakapatid ay nasa bahay lang, naiyak ako noon sa pag-aalala. Hindi ko maatim na yung mga magulang ko ay nagpapakahirap sa mga oras na yun, habang ako, ligtas at payapa sa bahay. Naaawa ako sa kanila. Kaya naman, kinabukasan, sinabi ko sa mama ko na "Ma, magtinda din ako ng banana cue at turon". Nabigla mama ko nun, tapos sinabi niya, "sino nagsabi sayo niyan?", syempre sagot ko, ako lang. Pinayagan ako ni mama na magtinda nun, at naubos din ang paninda ko. Magkahiwalay ang ruta ng pinaglalakuan namin, kaya naman, napabilis ang paglalako ng mga panindang niluto namin ni mama. Masayang masaya ako noon, kasi kahit papaano, nabawasan yung paghihirap ni mama dahil may katuwang siya sa paglalako.

 

"Mula noon, hanggang ngayon, tuloy pa rin ang paglalako!  Naalala ko nung mga elementary at high school pa ko, sa tuwing naglalako ako, nariyan yung tinatawanan ako ng mga bata nun, yung mga halos ka-age ko din. Naranasan ko na pagtawanan, kantyawan, tapos nanloloko pa. Bibili daw pero di naman. Ang sakit kaya sa feelings nun! Yung tipong hirap na hirap ka na maglako, tapos gaganunin ka pa ng mga tao sa paligid mo, grabe! Naiiyak na lang ako sa sobrang sama ng loob. Meron nga nun, titingnan ako mula ulo hanggang paa, tapos tataasan pa ng kilay kahit na wala naman akong ginagawang kung anuman sa kanila. Kainis nuh! Pero, wala ko magagawa kundi magpatuloy kasi ang focus ko, makatulong sa pamilya ko.


"May pasok ako sa umaga, tapos sa hapon maglalako naman. Pagkawhole day naman ang klase, sabado at linggo ako naglalako. Oh diba! Kabogera ang ate mong girl. Tuloy lang sa pagtulong sa magulang! Pero syempre, ang studies! Di pwede pabayaan 🙂 Nung Grade 1 ako, top 6 ako, Nung Grade 2, naging top 2, then mula Grade 3 to Grade 5, Top 1 ako, at syempre, sa Grade 6, Valedictorian ako 💖 Ang saya diba! Sa kabila ng mga pinagdaanan ko nung elementary ako, nagawa ko pang maging honor student. Syempre, nung graduation ko ng grade 6, ang Valedictory address na kinapananabikan, doon ko shinare mga pinagdaanan ko. Ang daming naiyak. Sinabi ko yung pagtitinda ko, at yung tungkol sa sapatos ko. Ang dami nga raw nainspire, kaya naman, pagkatapos ng speech ko,   nag-announce yung Directress ng school namin na sagot na nila ang pag-aaral ko sa high school. Kaya naman, naging scholar ako ng high school sa isang private school. Libre lahat. Yung mga nanlalait sakin noon, iba na ang tingin sakin. Yung mga taong pinagtatawanan ako noon, tumigil na sa pangangantyaw.

 

"Ganun pa din ako noong high school. Naglalako pa rin ako 🙂 di na ko nahihiya kahit pa na may ilan ilan na nang aasar pa din sakin. Syempre, dalagita na ko noon, mas madami na yung bitbit ko. Dalawang basket na yung dala ko, may bagpack pa, at isang litrong suka. Dumami na din paninda namin. Ang sinisigaw ko, humaba din hahaha hindi na banana cue turon lang, kundi.. Banana cue, camote cue, turon, carioca, lumpia, nilagang mais, mani, bilo bilo! Hahaha kahingal kaya huhuhu. Madaming beses na nanginginig na yung katawan ko sa sobrang bigat at init ng araw, pero tuloy pa din. Di ko iniinda masyado yung pagod at sakit ng katawan ko, dahil mas matimbang ang pagmamahal ko sa pamilya ko. 


"Ginagawa ko to, para makatulong sa kanila. 


"Syempre, di pa din dapat pabayaan ang studies. Pag gabi, aral pa more! Gawa assignment, project, advance reading. Napaka ano? Sa mga exams ko, ang ine-aim ko, makaperfect score. Panis hahaha. Alam ko kasi, napapasaya ko mga magulang ko kapag nakikita nilang ginagalingan ko sa pag aaral. Syempre, ganun na din talaga ako, di pabaya sa pag aaral, dahil ganun na lang ang pagpapahalaga ko sa edukasyon. Maraming nangangarap na makapag aral, pero ako, meron ako nun, kaya di ko sasayangin. Consistent First Honor ako nun. Meron pang extracurricular keme. Naging presidente din ako ng Student Council at ng Interact Club.


"Ang daming ganap sa buhay ano? Hahaha, kahit mahirap lang kami, nag eenjoy pa din ako sa pag aaral. Fourth Year high school, VALEDICTORIAN ULIT ang ate mo haha. Marami nang mas nakakakilala sakin. Nag uumpisa pa lang ako sa valedictory address ko nung graduation, may mga umiiyak na. Nakakatuwa isipin, kasi sila mismo, nadama nila yung mga hirap na pinagdaanan ko. Ganun ulit, shinare ko yung pagtitinda ko at yung pagbibida ko na hindi hadlang ang kahirapan sa kaunlaran. Sinabi ko nun, na saludo ako sa mga mahihirap  na pamilya na gumagawa ng paraan para kumita, kahit nakakapagod, hindi naman kumakapit sa patalim. Masaya ako nun, kasi mas madami pa akong nainspire nung graduation day namin.


"Syempre, bago gumraduate, nag exam ako sa SAN SEBASTIAN COLLEGE RECOLETOS CANLUBANG. Pumasa naman ako, at may scholarship ako na 75% discount sa tuition. Ginrab ko na yun, at isa pa, di ko na kailangang magcommute para pumasok 🙂 lakad lang mga 1kilometro lang siguro yun mula bahay. Alam ko kasi na hindi araw araw may pera. Kung wala akong pera pambaon, okay lang. Makakapasok pa din ako. Kasi kung sa malayo ako nag aral, naku po! Ang dami ko sigurong absent dahil sa walang pamasahe.


"So yun na nga, sa Baste ako nag aral. Bukod sa scholarship ko sa Baste, scholar din ako ng Robert G. Cheng/Uratex Foundation. Haaay, di madali maging scholar ha. Bachelor of Science in Accountancy kinuha ko, pero ang maintaining grade ko, sa Uratex Foundation, at least 83 ang average, pero sa Baste na scholarship o yung STAG, 92 dapat ang average. Parang imposible nuh. Accountancy tapos ganun dapat yung grade. Pero, laban lang!!! Ang dami ko nang pinagdaanan, ito pa kaya?

Namaintain naman ang kalulang maintaining grade. Grabe. Kung alam niyo lang, di na ko nawalan ng eyebags. Maraming group study ang pinuntahan ko, ang kulit ko sa mga professors ko sa pagtatanong nga mga accounting topics. Ako pa naman yung klase ng tao na pag may hindi naiintindihan, makulit at hindi titigil hanggang sa matutunan ko na. Maraming beses sinasabi ko na sa sarili ko na, suko na ko. Ayoko na. Pero, di pa pwede. Hahahaha. Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, dito pa ba ko susuko? No way diba First year college, Nung birthday ko, naisipan ko na umuwi ng bahay para magluto ng carioca. Mejo kabado ako nun kasi baka pagalitan ako sa school sa pagdadala ko ng paninda. Pero birthday ko naman kaya mejo malakas loob ko, kasi kapag sinita ako, sasabihin ko, "pagbigyan niyo na po ko, birthday ko naman, pampansit lang" haha para-paraan din nuh. Ayun after 2 hours, nakabalik na ko sa school, nagbenta ko ng carioca sa klase namin. Nasarapan sila at nagsabi na sana daw magtinda ako ulit. Wala naman sumita sakin kaya naman, nasundan pa ang pagtitinda ko sa Baste


"Habang tumatagal, pahirap ng pahirap ang mga subjects namin. Dumating pa yung demonyo naming prof na sobra magpahirap samin. Pero, di ako napabagsak ng prof namin na yun, nakakapit ako kay Lord eh! Hahaha, tuloy tuloy ang scholarship, hangga't namemaintain ang grade Ang pangit pa ng calculator ko nun, di gaya ng scientific calculator na pwedeng dere-deretso at nababack yung mga naunang calculations. Wala pera pambili eh haha, pero go lang. 


"Kung may pagkakataon, nagtitinda tinda ako sa school, turon, lumpia at carioca ang binebenta ko. Blockbuster nga eh Nagbenta din ako noon ng graham balls, maiba naman ang inooffer Pag umaga, kinokontak ko na si mama sa balak kong pagtitinda, siya nagluluto tapos magsasalubong kami sa daan kung lunch break, tapos pagbalik ko sa school, ayun, tinda ulit. Ang saya nga e, di ko na kailangang sumigaw at maglako sa tindi ng sikat ng araw. Sa Baste, isang pwesto lang, ubos na agad ang paninda. Minsan, napunta ako sa mga office sa 2nd floor para makapagbenta sa mga Ma'am at Sir doon


"Second year college, nagkalovelife na ko. Ang ganda eh. Charot lang. So ayun, nagkaboyfriend ako, nung June 10, 2014, at hanggang ngayon, kami pa rin. MAY FOREVER TEH! Dami nagsasabi sakin, ay naku, masisira lang pag-aaral mo, tigilan mo yan. Kayo nga tumigil, nasira ba pag-aaral ko? Hahaha, mga kapatid, di naman porket nainlove ka, masisira na lahat sayo. Ano ba guys, quit that concept na basta may jowa, wala nang future. Yung boyfriend ko (Mc Earvin Jimenez Salazar), gumraduate ng Bachelor of Science in Business Administration last 2016. 


"Ayun, nagwowork work na siya, tapos responsableng anak pa. Mahal na mahal ko yun kaya naman inaaway ko mga epal sa buhay naming dalawa. Charot! Haha sino bang di magagalit pag may anay sa bahay diba? 


"Balik accounting tayo. Consistent naman ang grades ko, namemaintain ang 92 na average, hanggang sa pagdating ng 5th year 1st sem ko, 91.something lang grade ko. So downgraded yung STAG ko sa 50% discount on tuition, pero meron pa ding Uratex Foundation na nakasalo sakin. Tatlong major ba naman ang nagsama sama. Auditing Problems, Advanced Accounting Part 2, Accounting Review-Financial Accounting. Nakakaloka. Dami kong iniyak kasi akala ko babagsak ako. Pumasa naman po ako, pero di nga lang umabot sa kota. Pero masaya pa din, isang sem na lang, tapos na ko.


"Nagseserve din ako sa parokya namin bilang Youth at member ng Lectors and Commentators Ministry. Tuwing Linggo, araw ko yun sa Diyos. Ganun na lang ako kastrong, kasi sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdaanan ko, kapit lang ako kay Lord. Masasabi ko nga na talagang binabantayan niya ako kasi, sa tuwing may kailangan ako, kahit na di ko sabihin sa kanya, dumadating sakin. Ang sarap ng blessings Niya! Sinasabi ko sa inyo, pag inuna niyo si God, number 1 din niya kayong pagpapalain

Palangiti lang ako, pero maraming beses na umiiyak ako kung gabi. Sa tindi ng pagod ko sa araw-araw, sa hirap ng major subjects ko, sa mga conflict ko sa ibang tao, sa mga away naming dalawa ng boyfriend ko, sa mga pagkakataon na feeling ko nagkukulang na ko kay Lord, at sa tuwing nakikita ko mga magulang ko na pagod na pagod sa trabaho. Malambot puso ko at napakaiyakin ko pa. Pag gabi, binubuhos ko lahat ng sakit sa puso sa pamamagitan ng pag-iyak, para kinabukasan, panibagong araw, laban ulit. Di naging madali ang pumasa, maging cum laude pa kaya. Kaya naman, itong tagumpay ko sa college, masasabi kong PANALO talaga! Hindi hadlang ang kahirapan sa pag-unlad.


"Bilang isang BSA graduate, syempre, board exam naman ang kailangang ipasa, para maging isang ganap na CPA na ako. Sabi nila, uy cum laude ka, sure pasado ka na. Wag pa rin tayo pakasigurado dahil maraming pwedeng mangyari. Pero ako, inspirasyon ko pamilya ko kaya naman, talagang pagsisikapan kong pumasa. Excited na ko maging CPA.


"Isama niyo sana ako sa prayers niyo, pati lahat ng mga magtetake ng board exam ☺ Pero syempre, kung ano pa rin ang kalooban ni Lord, yun pa din ang masusunod. Loobin Niya nawa ang aking pag-unlad, nang ako naman ay makatulong din sa iba. 

Larawan mula kay Jogie Macaraeg Papillera

"Tindera lang ako ng meryenda, gumraduate na sa kolehiyo, at nararamdaman kong malapit na ko maging isang CPA. Kung mahirap man ang buhay natin, wag tayong susuko. May paraan pa. Minsan, kailangan nating mahirapan at masaktan bago tayo matuto. Wag tayong matakot, at kumapit lang sa Diyos. Kahit anong talino mo, kung wala kang sipag, tiyaga, at determinasyon, wala ka pa rin. Samahan natin ng PAGMAMAHAL ang lahat ng ginagawa natin at ialay kay Lord lahat ng paghihirap at pagsisikap natin, at tayo naman ay Kanyang pagpapalain.


"TO GOD BE THE GLORY..


"BRAVO BASTE..


****


Source: Jogie Macaraeg Papillera