Hindi lingid sa lahat na ang sipag, tiyaga at pagpupursige sa buhay ng Pambansang Kamao at Senador na si Manny Pacquiao ang nagbigay sa kanya ng tinatamasang tagumpay ngayon. Kaya naman ang karangyaan na meron si Manny ngayon ay tinatamasa rin ng kanyang pamilya.
Sa kabila ng pagkakaroon nila ng marangyang pamumuhay, sinabi ni Manny at ng kanyang asawa na si Jinkee na nais nilang maranasan ng kanilang mga anak ang hirap ng buhay.
Kaya naman kahit na mayroon silang mga kasambahay ay tinitiyak ng mag-asawa na matutunan ng kanilang mga anak ang mga gawaing bahay.
“Tinuturuan namin sila ng mga gawaing bahay, yung mga ginagawa ng mga naghihirap na tao,” sabi ni Manny.
Ibinahagi rin ni Manny ang kanilang naging plano nang ibinalik nila sa GenSan ang kanilang mga anak upang doon ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Ayon sa pambansang kamao, nais niyang doon mag-aral ang kanilang mga anak upang maranasan nila ang hirap ng buhay kung saan walang aircon ang pinapasukang eskwelahan.
“Doon sila nakapag-aral ng dalawang taon para ma-experience nila yung buhay na mahirap. Doon sila nag-aaral sa walang aircon na school for two years,” saad ng Senador.
Dahil nga laki sa hirap si Manny ay alam niya kung ano ang pakiramdam ng walang-wala at kung papaano tratuhin ang mga gaya nila. Kaya nais talaga ni Manny na maranasan ng kanyang mga anak ang kanyang pinagdaanan noon upang lumaki silang mapagpakumbaba, mabubuting tao at hindi matapobre.
“Gusto ko kasi talaga na ma-experience nila, ma-realize nila na ang buhay ay hindi lang puro sarap dahil yung kinagisnan nila masarap na eh. Pero yung pinagdaanan namin, gusto ko na ma-realize nila para pagdating ng araw, hindi sila matapobre. Gusto namin sila maging compassionate and helpful to others. Yan ang gusto ko sa kanila,” sabi ni Manny.
Masaya raw si Manny dahil ang bawat bagay na itinuturo nila sa kanilang mga anak ay nasusunod ng mga ito. Ipinagmamalaki niya habang lumalaki ang mga ito ay mas lalo silang nagiging magalang at masunurin.
“God is good naman, mababait naman silang lahat, nirerespeto kami, at sumusunod sa kung anong advice namin sa kanila,” sabi ni Manny.
***
Source: PTAMA