Hindi na talaga mawawala ang mga taong manloloko at mapagsamantala kahit saang lugar man. Wala silang pinipiling bibiktimahin. Bata man o matanda, mahirap man o mayaman ay hindi nila pinapaligtas.
Kaya naman talagang nakakaawa ang kanilang mabibiktima lalo na kung isa itong matanda at mahirap.
Kagaya na lamang ng isang matandang tindero mula sa West Sumatra ng bansang Indonesia na naiyak na lamang ng malamang peke pala ang ibinayad sa kanya.
Ang mas lalong nakakalungkot ay gagamitin sana ng matanda ang pera upang pambili ng kanyang gamot sa asthma.
Nalaman ng matanda na peke ang perang ibinayad sa kanya ng customer noong magpunta siya sa isang pharmacy upang bilhin ang kanyang gamot.
Hindi umano tinanggap ng kahera ang perang ibinabayad ng matanda. Wala na itong nagawa kundi umalis na lamang na tumutulo ang mga luha.
Ayon naman sa Instagram post ng Makassar Info, may isa namang tao na nakapansin sa matanda at tinanong kung ano ang nangyari sa kanya. Ayon dito, nagsisikap daw siya na magbenta ng mga gulay para may pantustos sa kanyang medisina kaya hindi niya sukat akalain na maloloko pa siya.
Dagdag pa ng matanda, may diperensya rin ang kanyang mga mata kaya hindi niya napansin na peke pala ang ibinayad sa kanya na Rp50,000 (Indonesian Currency) dahil kapareho ito ng kulay at haba sa tunay na pera.
Talaga namang nakakagalit ang ginawang panloloko sa matanda. Nagpapakahirap ito upang kumita ng pera ngunit lolokohin lamang siya ng masasamang loob.
***
Source: Keulisyuna