Ginulat ng iyak ng isang kaawa-awang sanggol ang isang bahay sa subdivision sa Cavite.
Martes ng umaga ng mabulabog ng iyak ng bata ang isang tahanan sa hindi tinukoy na subdivision sa Imus, Cavite. Nang hanapin nila ito ay bumulaga sa kanila ang sanggol na nakasilid sa bag.
Ayon sa ulat, kapapanganak pa lang sa sanggol na inabandona.
Natagpuan ang walang kamuwang-muwang na munting anghel sa bag na iniwanan sa tapat ng isang bahay sa loob ng naturang subdivision.
Pagbabahagi ng nakasaksi na si Winnie Lyn De Leon, narinig nila ng kapitbahay ang pag-iyak ng sanggol.
“Newborn, kasi may umbilical cord pa nung makita,” ani De Leon sa panayam sa kanya ng TeleRadyo, Myerkules.
Lumitaw sa CCTV na alas-3:30 ng madaling araw nang iwan ang sanggol ng isang lalaking nakabisikleta.
Ngunit nakita ang sanggol bandang alas-11 na ng umaga dahil iyak ito ng iyak.
“Ang sakit kasi magulang din po ako,” sambit ni De Leon.
Kwento pa nya, nakita ang kahabag-habag na baby sa loob ng isang kulay violet na bag na may kasama pang baby bottle at natimpla nang gatas.
Agad namang ipinagbigay-alam sa mga otoridad ang natagpuang sanggol para malinisan at mabihisan.
Ayon sa Social Worker in charge for adoption cases ng Imus na si Glenda Obligacion, nasa maayos na kalagayan na ang sanggol.
“Mahimbing tulog niya ngayon. Binabantayan siya ng house parents na nakaduty,” saad ni Obligacion.
Nagbigay din ng payo ang nasabing social worker sa mga magulang na may pinagdadaanan.
“Kung talagang may pinagdadaanan, hindi na kayang buhayin 'yung bata, decided silang i-give up ang bata, sana po makipag-coordinate na lang sa amin rather than ilalagay somewhere lang. Lalong magiging risky kalagayan ng bata,” paliwanag ni Obligacion.
Kung saka-sakaling walang mag-claim sa bata, CSWD ang mag-aasikaso ng proseso para sa pag-ampon sa baby.