Malinaw na baha na mayroon pang mga isda, namataan sa bahagi ng Laguna - The Daily Sentry


Malinaw na baha na mayroon pang mga isda, namataan sa bahagi ng Laguna





Mapa-probinsya man o syudad, hindi pangkaraniwan ang makakita ng malinaw na baha sa Pilipinas. Samantala, sa ibang bansa gaya ng Japan, normal lang sa kanila ang bumaha ng malinaw at tila malinis na tubig.

Ngunit isang nakakakamanghang tanawin ang nakita sa Pakil, Laguna kamakailan lang matapos humagupit ang bagyong Ulysses na nagdulot ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng bansa. 

Agaw-pansin sa social media ang mga larawan na kuha ng isang residente doon na si Lorraine Antazo.

Bukod sa makikita sa mga naturang in-upload na litrato ang malinaw at tila malinis na baha sa kanilang lugar, kapansin-pansin din ang mga isda na lumalangoy doon. Kaya naman labis na lang ang pagkabilib ng mga netizen dito.

Ani Antazo, hindi na raw bago iyon sa kanila sa Barangay Burgos sa tuwing umaapaw ang malaking ilog na itinuturing din umano nilang 'fish sanctuary'.

“Monthly din kasi nililinis 'yan ng concerned citizen ng ilog like iyong kababaihan,” sambit ni Antazo sa panayam sa kanya ng Kapamilya network. 

Paliwanag naman ng alkalde doon na si Mayor Vince Soriano, sadyang malinis ang tubig na dumadaloy doon sapagkat direkta itong nagmumula sa Turumba Spring Resort; dahilan para maging malinaw ang tubig baha.

Narito ang mga larawan:











Ito naman ang ilan sa mga komento ng netizens: